Anak ni Jinggoy umamin na sa tunay na ‘relasyon’ ng pamilya Estrada kay Napoles

Janet Lim Napoles at Jinggoy Ejercito INQUIRER

MAPAPANOOD bukas sa “Cornered by Cristy” segment ni Nay Cristy Fermin sa Showbiz Police (6 p.m. sa TV5) ang panayam niya sa panganay na anak ni Sen. Jinggoy Estrada na si San Juan Councilor Janella Estrada tungkol sa kinasasangkutang isyu sa PDAF at kung ano ang relasyon ng pamilya nila kay Janet Lim Napoles.

Inamin daw ng konsehala na kakilala ng pamilya Estrada ang pamilya Napoles at ang kumalat na litrato ay nangyari sa kaarawan ng mommy niyang si Mrs. Precy Ejercito.

Ibinahagi rin ng panganay na anak ng kontrobersiyal senador kung anong klaseng tatay sa loob at labas ng bahay nila ang aktor-politiko at kung ano ang nangyari sa kanilang magkakapatid noong nakulong ang tatay at lolo nilang si Manila Mayor Joseph Estrada sa kasong plunder ilang taon na ang nakararaan.

Samantala, may tanong din ang karamihan sa atin – kailan naman daw maririnig ang boses ni Cavite Vice-Gov. Jolo Revilla kung ano naman ang saloobin niya tungkol sa ama niyang si Sen. Bong Revilla na nasangkot din pork barrel scam? Nananatili kasing tahimik ang batang politiko tungkol sa issue.

At siyempre, marami rin ang naghihintay kung magbibigay din ng kanyang privilege speech si Sen. Bong at kung may ituturo rin ba siyang kapwa politiko na sangkot sa iregularidad. Wala raw ba itong planong linisin ang kanyang pangalan tulad ng ginawa ni Sen. Jinggoy? Hahayaan na lang ba niya na patuloy siyang hamakin at akusahan ng taumbayan?

Nauna nang nagsalita ang aktor tungkol sa pork barrel scam, siniguro nga niya na handa siyang harapin ang kasong isinampa sa kanya para malinis ang kanyang pangalan.

Read more...