John Arcilla, Rowell Santiago may ibinuking tungkol kay Coco; ‘kayamanan’ kung ituring ang ‘Probinsyano’

Rowell Santiago, John Arcilla at Coco Martin

ITINUTURING nang “kayamanan” nina Rowell Santiago at John Arcilla ang mapasali sa primetime action-drama series ng ABS-CBN na “Ang Probinsyano”.

Pamilya na nga ang turingan ng buong production ng programa, mula sa staff and crew hanggang sa cast members na pinangungunahan ng Teleserye King na si Coco Martin.

Sa nalalapit na pagtatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano, hindi maiwasan nina Rowell at John ang maging emosyonal at makaramdam ng matinding “sepanx” o separation anxiety.

Ayon kay Rowell na gumaganap sa serye bilang si Presidente Oscar Hidalgo (at ang impostor ni Oscar na si Mariano), hinding-hindi niya malilimutan ang lahat ng na-experience niya sa “Probinsyano.”

“It’s every actor’s dream to be part of ‘Ang Probinsyano.’ Ito ‘yung ‘pambansang teleserye.’ Masayang-masaya ako at ite-treasure ko ito for a lifetime.

“Sa four years ako sa ‘Ang Probinsyano’ ito na ‘yung mati-treasure kong biggest challenge in my 40 years in the business,” ang pahayag ni Rowell sa video na inilabas ng Dreamscape Entertainment.


Aniya pa, “Lahat po ginawa ko sa abot nang makakaya ko para gamapanan ang role ni President Oscar Hidalgo, lalo na ‘yung pagganap ko sa papel ni Mariano. Hindi ko akalain na puwede pala akong maging komedyante.”

Tungkol naman sa mga hindi niya makalilimutang kuwento tungkol kay Coco, “Tuwing nagdidirek siya sa set parang namamangha ako. ‘Wow, ganito pala siya magtrabaho.’

“Mayroon akong eksena na ginawa noon na nung nalaman ni Oscar Hidalgo na namatay ‘yung buong pamilya niya binigyan niya ako ng space tapos sinabi niya sa co-stars na ‘support lang tayo kay Oscar Hidalgo.’

“Sa maraming bigatin kong mga eksena, alam niya kung sino ang bibigyan niyang eksena sa moment na ‘yon,” kuwento ng aktor.

Para naman kay John Arcilla, super happy and feeling grateful siya na napasama siya sa makasaysayang teleserye sa Pilipinas kung saan ginampanan naman niya ang karakter ni Renato Hipolito, ang isa sa pinakamatinding kalaban ni Cardo Dalisay (Coco).

“Very historical. Sa bahagi ng buhay mo bilang isang aktor, napakalaking alaala ‘yon na babalikan mo at babalikan.

‘Yung mga kasama mo nang mahabang panahon hindi lang parang magkakasama kayo sa trabaho kung hindi para kayong may malalim na pagkakaibigan na nabuo,” pahayag ni John na hindi napigilan ang maluha.

Ang isang eksena naman na tumatak sa kanya sa pakikipagtrabaho kay Coco, “Nag-break ako, punta ako ng restroom. Bigla kong sinabi sa kanya direk ‘Co, banyo lang ako.’

“Sabi niya sa akin, ‘Sige Sir John.’ For the first time tinawag ako ni Coco ng Sir John. Alam mo ‘yung hindi lang kami nagtitinginan bilang pamilya, nire-recognize namin ‘yung professionalism at the same time,” pag-alala ng award-winning ding aktor.

Ito na ang huling linggo ng “FPJ’s Ang Probinsyano” makalipas ang halos pitong taong pamamayagpag sa ere. Papalitan naman ito ng “Darna” ni Jane de Leon na naging bahagi rin ng action series ni Coco Martin.

https://bandera.inquirer.net/299865/sharon-inaming-si-rowel-ang-tunay-na-totga-i-can-never-live-without-this-boy-in-my-life

https://bandera.inquirer.net/286460/john-arcilla-namatayan-ng-10-mahal-sa-buhay-sa-loob-ng-1-taon-ngayong-panahon-ng-pandemya
https://bandera.inquirer.net/304236/john-arcilla-nag-ala-joshua-garcia-netizens-aliw-na-aliw

Read more...