HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga taga-showbiz na wala na ang La Primera Contravida at award-winning actress na si Cherie Gil.
Nagluluksa ang buong entertainment industry sa pagpanaw ng beterana at premyadong aktres habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng mensahe ng pakikiramay para sa mga naulilang pamilya.
Sumakabilang buhay si Cherie matapos makipaglaban sa sakit ng cancer nitong nagdaang Agosto 5 sa edad na 59.
Kinumpirma ng pamangkin ng aktres na si Sid Lucero (anak ng namayapa na ring kapatid ni Cherie na si Mark Gil) ang malungkot na balita. Aniya, “I love you. Big hug. #bugluv.”
Balitang iyak naman nang iyak ang kapatid ni Cherie na si Michael de Mesa nang malamang pumanaw na ang aktres. Nasa lock-in shoot daw ang veteran actor nang mamaalam ang aktres at ayon sa ulat, sa loob daw ng kanyang sasakayan nag-iiyak si Michael.
Nakiramay din si Sunshine Cruz sa pagpanaw ni Cherie na nakasama niya sa Kapamilya teleserye na “Dolce Amore” noong 2016.
Mensahe ni Sunshine, “A really sad day for the industry. RIP Ms. Cherie Gil. It was an honor to have worked with you in Dolce Amore.”
Nagulat din ang Kapuso hunk na si Jon Lucas sa pagkamatay ni Cherie. Nakatrabaho niya ang veteran actress sa anniversary special ng drama anthology ng “Tadhana” noong 2020.
“What a loss for us. Ito yung panahong sinabi ko sa handler ko na ‘time to face my fear.’ Sino bang hindi masisindak?
“Kahit hindi mo pa siya kilala pero dahil sa mga pelikula niya na tumatak sa ating lahat. Talagang kakabahan ka.
“Noong araw na yon mali ako. Napakabait ni Ms. Cherie Gil. Mahal niya ng sobra ang ginagawa niya kaya siguro nafifeel ng iba na masyado siyang seryoso. She was really one of a kind.
“Isa itong episode na to na lagi kong babaunin kasi nakatrabaho ko siya. She was something, not a second-rate, not trying hard, never a copycat.
“Pakikiramay po sa buong pamilya!” mensahe ng aktor.
Huling napanood si Cherie Gil sa Kapuso primetime series na “Legal Wives” na umere noong 2021. Pero bigla nga siyang nag-resign sa programa at nagtungo sa Amerika.
Kasunod nito, ipinagbili na niya ang kanyang mga ari-arian at nagdesisyon na ngang manirahan sa New York.
https://bandera.inquirer.net/280483/michael-de-mesa-binantaan-ng-probinsyano-fan-pag-nakita-kita-sa-personal-titirahin-kita-sa-ulo
https://bandera.inquirer.net/320666/cherie-gil-pumanaw-na-sa-edad-na-59
https://bandera.inquirer.net/320791/throwback-hugot-ni-cherie-gil-neve-ever-kiss-me-in-greeting-if-i-dont-know-who-the-hell-you-are-and-please-dont-call-me-tita