SUPER proud ang Kapuso comedienne na si Herlene Budol sa pagsagot niya sa wikang Filipino nang sumabak sa question and answer portion ng Bb. Pilipinas 2022 pageant.
Naniniwala ang dalaga na gumawa siya ng kasaysayan sa naturang national pageant dahil siya raw ang kauna-unahang kandidata na nag-Tagalog sa Q&A round bilang isa sa Top 12 semifinalists.
Walang nakuhang major title si Herlene na hinirang na first runner-up sa pageant na ginanap sa Araneta Coliseum noong nakaraang Linggo, July 31. Humakot din siya ng special awards.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, ibinandera ni Herlene ang pagka-proud sa sarili dahil sa paggamit ng ating sariling wika sa isang national pageant.
“Sinabi ko noon na gagawa ako ng sarili kong kasaysayan para sa susunod na henerasyon…
“Kasaysayang magbubukas ng pinto sa mga kabataang babae na may pangarap lumaban sa malalaking patimpalak at maging isang Beauty Queen!” mensahe ng komedyana.
Ipinagdiinan din ng dalaga na hindi kabobohan ang sumagot sa Q&A ng isang pageant sa Tagalog at naging mas makabuluhan pa raw ito dahil sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
“Huwag matakot maging iba! Laging maging binibining hindi inaasahan! Dahil iyang ang inspirasyon tatatak sa masang Pilipino.
“Hindi kamangmangan ang hindi marunong magsalita ng Ingles! Huwag natin silang kutyain, bagkos turuan natin sila.
“Mahalaga din ang Ingles sa atin, pero hindi ito simbolo ng karangyaan.
“Ngayon Buwan Ng Wika! Samahan niyo akong payabungin ang wikang Filipino! Ilokano, Ilonggo, Bisaya, Bikolano, Waray, saan panig ng bansa, huwag ikahiya ang salita na tunay na maghahayag ng atin damdamin.
“Dahil tayo ay may kakaibang ganda na may misyon!” aniya pa.
In fairness, marami nga ang humanga sa tapang at paninindigan ni Herlene na sagutin ang tanong ng huradong si Cecilio Asuncion tungkol sa transfornation ng komedya sa grand coronation ng Binibining Pilipinas 2022.
Ang question ng founder at model director ng Slay Model Management na naka-base sa Los Angeles, California, “A beauty pageant is a space for transformation. What has been your biggest character transformation since you joined and how could this make you deserving of a crown tonight?”
Pero bago nga ito sagutin ni Herlene, isinalin ito ng nasabing judge sa Tagalog, “Ang beauty pageant ay isang lugar para sa transpormasyon. Anong transpormasyon na importante ang nangyari sa ’yo habang nandito ka sa Binibining Pilipinas?”
Sagot naman ni Herlene, “Para sa akin, isang karangalan na nakatungtong ako dito sa Binibining Pilipinas bilang isang binibining hindi inaasahan.
“Para sa akin, ang sarap palang mangarap. Ang sarap mangarap. Walang imposible. Isa po akong komedyante na laki sa hirap.
“At ang aking transpormasyon ay ang magbigay ng inspirasyon because I know… because I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission.”
Pagkatapos ng nasabing pageant, maraming nagsabi kay Herlene na sumali pa uli siya sa beauty pageant dahil deserving niya ang makakuha ng titulo at korona.
https://bandera.inquirer.net/313062/robin-sa-pagiging-no-1-sa-senatorial-race-wala-po-akong-makinarya-at-pera-hindi-ko-po-inaasahan-ito
https://bandera.inquirer.net/302601/sikat-na-aktor-pinapatulan-na-kahit-anong-role-para-lang-kumita-at-mabuhay-ang-pamilya
https://bandera.inquirer.net/310940/john-arcilla-shookt-din-sa-isyu-ng-majoha-sa-pbb-lutang-ang-isip-ng-kabataan-pagdating-sa-kasaysayan