Herlene Budol nagbitbit ng ‘lucky charm’ nang rumampa sa Bb. Pilipinas 2022: May basbas ‘yan, kaya dinala ko dahil suwerte!

Herlene Budol

MAY bitbit palang “lucky charm” ang Kapuso comedienne at beauty queen na si Herlene Budol nang rumampa siya sa Binibining Pilipinas 2022 pageant noong Linggo.

Ipinakita ng dalaga sa kanyang mga online supporters kung anu-ano ang laman ng dala niyang red pouch sa finals night ng naturang national pageant na ginanap sa Araneta Coliseum nitong nagdaang July 31.

Ayon kay Herlene o kilala rin bilang si Hipon Girl, hindi lang pangarap at lakas ng loob ang bitbit niya sa pageant kundi pati ang ilan sa kanyang “pampawerte”.

Naglabas ng isang TikTok video nitong Martes, August 2, kung saan ibinandera nga ng komedyana ang mga lucky charm sa kanyang beauty pageant journey.

“Hi, I’m your Binibining Pilipinas 2022 first runner-up,” sey ni Herlene sa simulang bahagi ng kanyang video sabay pakita sa pag-aaring pulang pouch.

Isa-isa niyang inilabas ang laman nitong rosary, crucifix at maliit na imahen ng Sto. Niño. Ipina-bless pa raw talaga niya ang mga ito kaya naniniwala siyang malakas ang powers nito.

“May basbas ‘yan, kaya dinala ko dahil suwerte ‘yan,” chika ni Hipon Girl.


Bukod dito, ipinakita rin ng Kapuso star ang nakatuping pera at isang piraso ng papel na pinunit daw niya sa litrato ng namayapa niyang lola na si Nanay Bireng.

“Habang lumalaban ako, kasama ko si Nanay, tapos pinag-pray ko, ‘Nanay, kasama mo naman si Lord, sabihin mo sa Kanya ibigay yung crown.’ Kaya binigyan tayong crown!” lahad pa niya.

In fairness, marami ang nagsasabi na deserving si Herlene na makakuha ng major title at korona sa Binibining Pilipinas 2022 dahil sa ipinakita niyang performance.

Bukod sa pagiging 1st runner-up, tinagurian din siyang Hakot Queen matapos makapag-uwi ng napakaraming special awards.

Nauna rito, naglabas din ng saloobin ang nanay ni Herlene na si Len Timbol sa paglaban ng anak sa Binibining Pilipinas.

“Para po sa akin ang anak ko ang winner pero okay naman po at panalo rin,” aniya.

Sa tanong kung ano sa tingin  niya ang naging weakness ng anak sa paglaban nito sa Binibining Pilipinas 2022, “Sa palagay ko po wala kasi binigay pong lahat ni Hipon. Ginawa po niyang lahat. Perfect!

“Hindi naman alam kung bakit ganun ang naging resulta. Anyway, masaya naman po kami para sa kanya. Hindi kami umuwing luhaan,” aniya pa.

“Para sa akin, ‘yung pinakabonggang performance is yung sa swimsuit po. Talagang napakagaling po niyang rumampa, ‘yung walk niya sobrang ganda.

“Medyo disappointed inaasahan naming siya ang best in swimsuit pero iba po ‘yung in-announce. Pero it’s ok lang po, laban ‘yan, e,” dagdag pa niya.

https://bandera.inquirer.net/294540/bea-gomez-may-bitbit-na-lucky-charm-mula-sa-vatican-nang-lumaban-sa-miss-u-ph-2021

https://bandera.inquirer.net/307565/tracy-perez-lucky-charm-ang-turing-sa-pinoy-pageant-fans-handang-handa-nang-rumampa-sa-70th-miss-world

https://bandera.inquirer.net/292059/luis-hinamon-si-derek-mag-video-call-tayo-nang-hubot-hubad

Read more...