FEELING ng Kapuso comedienne at TV host na si Herlene Nicole Budol kahit wala siyang nakuhang major title sa Binibining Pilipinas 2022 ay winner na winner pa rin siya pagkatapos ng pageant.
Si Herlene o Hipon Girl ang itinanghal na 1st Runner-up sa naganap na grand coronation night ng nabanggit na national pageant sa Araneta Coliseum last Sunday, July 31.
Ayon sa dalaga, hindi man siya nakapag-uwi ng korona at titulo, itinuturing na rin niyang bonggang premyo ang maipakita sa buong mundo na hindi lang pagpapatawa ang kayang gawin ng isang katulad niyang komedyana.
In fairness, bukod sa pagiging 1st Runner-up ay humakot din ng special awards ang Kapuso actress at marami rin ang nagsasabi na deserving din siyang manalo at makoronahan bilang beauty queen.
Ayon pa kay Herlene, babaunin niya ang lahat ng mga natutunan niya sa pagsali sa Binibining Pilipinas 2022 sa pagpapatuloy na pakikipaglaban niya sa buhay pati na sa kanyang showbiz career.
“Hindi ko man nasungkit ang korona, may magandang premyo naman at ‘yan ang respeto sa akin bilang mahusay na Squammy at natatanging babae.
“Naitaas ko ang respeto sa mga comedian na hindi lang basta komedyante, kundi tao sila na may angking ganda at may kakayahan pa gawin ang gusto nila. Basta maniwala at kumapit lang sa pangarap,” pahayag ng komedyana.
Winner din ang naging sagot niya sa Q&A round ng naturang pageant kung nagmarka sa mga manonood ang pahayag niyang “uniquely beautiful with a mission” dahil sa kanyang inspiring transformation bilang beauty queen.
“Para sa akin, isang karangalan na makatungtong ako sa Binibining Pilipinas, bilang isang binibining hindi inaasahan, para sa akin ang sarap palang mangarap.
“Isa po akong komedyante na laki sa hirap at ang aking transpormasyon ay ang magbigay ng inspirasyon because I know for myself that I am beautiful, I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission,” pahayag ni Hipon Girl.
Waging Bb. Pilipinas International si Nicole Borromeo ng Cebu habang Bb. Pilipinas Intercontinental si Gabrielle Basiano ng Samar. Itinanghal namang Bb. Pilipinas Globe si Chelsea Fernandez ng Tacloban City at Bb. Pilipinas Grand International si Roberta Angela Tamondong ng San Pablo, Laguna.
https://bandera.inquirer.net/313984/hugot-ni-herlene-budol-hindi-porket-galing-ka-sa-ilalim-hindi-ka-na-makakabangon
https://bandera.inquirer.net/320299/herlene-budol-ayaw-nang-sumali-sa-kahit-anong-beauty-pageant
https://bandera.inquirer.net/314425/herlene-budol-binabatikos-ng-mga-netizens-i-love-the-duality