Juliana Parizcova kinuwestiyon ang paghakot ng awards ng ‘Katips’ sa FAMAS; nanalong best supporting actor inokray

Juliana Parizcova Segovia at Vince Tanada

MATAPANG na kinuwestiyon ng komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia ang paghakot ng tropeo ng martial law movie na “Katips” sa katatapos lang na 70th FAMAS Awards na ginanap nitong Sabado sa Metropolitan Theater.

Hindi raw kasi makapaniwala si Juliana na tinalo ng nasabing musical film ang mga nakalaban nitong pelikula sa FAMAS ngayong taon.

May 17 nominasyon sa nasabing award-giving body para sa iba’t ibang kategorya ang “Katips” at pitong awards nga ang napanalunan nito.

Waging Best Picture ang pelikula, Best Director at Best Actor para kay Vince Tañada, Best Supporting Actor si Johnrey Rivas, Best Original Song (Sa Gitna ng Gulo), Best Musical Score para kay Pipo Cifra at Best Cinematography.

Nang malaman ni Juliana Parizcova Segovia ang resulta, naglabas siya ng saloobin sa pagkapanalo ng “Katips” sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.

“Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Hahahaha!” ang pang-ookray ng komedyante sa nasabing pelikula.

Ipinost din ni Juliana ang mga screenshot ng closing credits ng naganap na 69th FAMAS noong February, 2021 kung saan makikita ang pangalan ni Vince bilang direktor ng awards night.


Dahil dito, nag-react ang mga netizens na parang ang nais ipahiwatig ni Juliana na may koneksyon ang pagiging direktor ni Vince ng FAMAS sa naging resulta ng botohan ng winners ngayong taon.

Sa presscon ng “Katips” kamakailan ay sinabi ni Vince na siyang producer, director at lead star ng pelikula na fake news daw ang kuwento ng “Maid in Malacañang” ni Darryl Yap samantalang ang movie raw nila ang nagpapakita ng katotohanan.

Umiikot kasi ang kuwento ng “Katips” sa isang grupo ng mga estudyante aktibista na lumaban sa pagpapatupad noon ng martial law habang tungkol naman sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Palasyo ng Malakanyang ang pelikula ni Direk Darryl.

Magbabakbakan sa sinehan ang dalawang pelikula simula sa August 3 kaya magandang abangan kung ano ang mas papaboran ng publiko at kung sino ang hahakot ng pera sa takilya.

Samantala, bukod sa pangnenega ni Juliana sa “Katips”, kinuwestyon din niya ang pagkapanalo ng baguhang aktor na si Johnrey Rivas na hinirang namang Best Supporting Actor para sa “Katips.”

“So ayun na nga, tinalo nu’ng taga#Katsip si John Arcilla??? Para lang makasabay kayo sa Maid in Malacanang, manggagago kayo ng tao. Jusko!” sabi ng komedyante.

Tinalo ni Johnrey si John Arcilla na nakakuha ng dalawang nominasyon sa Best Supporting Actor category, ang isa ay para sa “A Hard Day” at ang isa naman ay para sa “Big Night.”

https://bandera.inquirer.net/320147/martial-law-movie-na-katips-humakot-ng-trophy-sa-famas-2022-vince-taada-tinuhog-ang-best-actor-at-best-director-awards

https://bandera.inquirer.net/320055/vince-tanada-inilaban-na-mapanood-sa-mas-maraming-sinehan-ang-katips
https://bandera.inquirer.net/290714/pokwang-minsan-na-ring-kinuwestiyon-si-lord-sabi-ko-sa-kanya-bakit-mo-ginawa-sa-akin-to

Read more...