La Salle tinisod ang FEU para pumasok sa Finals


Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. UST vs NU

GUMANA ang mga inaasahang manlalaro ng De La Salle University sa huling yugto para kunin ang 71-68 panalo sa Far Eastern University at umabante na sa Finals ng 76th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumipak ng tig-15 puntos sina Jeron Teng, LA Revilla at Norbert Torres at ang mga ito ang nagtulung-tulong para makumpleto ng Green Archers ang pagbangon mula sa double-digits na pagkakalubog sa ikatlong yugto.

Si Teng ay bumanat ng apat na sunod na puntos upang ang 65-66 iskor ay maging 70-66 kalamangan na natiyak ng panalo sa Final Four.

May 10 rebounds at 6 assists pa si Teng para manaig sa tapatan nila ni season Most Valuable Player Terrrence Romeo na gumawa ng 13 puntos.

Pero ilang mahahalagang buslo sa endgame ang kanyang naisablay katulad ni RR Garcia para masayang ang pagdodomina ng Tamaraws sa unang tatlong yugto.

Ito ang unang pagtapak sa Finals ng La Salle matapos ang 2008 season na kung saan winalis sila ng karibal na Ateneo de Manila University para sa titulo.

Hihintayin ng Archers ang mananalo sa pagitan ng National University at University of Santo Tomas na maghaharap sa sudden-death sa Sabado para malaman kung sino ang makakatuos sa Finals na inilagay sa best-of-three series.

Si Bryan Cruz ang nanguna para sa FEU sa kanyang 16 puntos at 12 dito ay ginawa niya sa first half na kung saan nakaangat ang koponan sa 38-31.

( Photo credit to INS )

Read more...