SURE na sure kami na ang ending ng kontrobersyal na pelikulang “Maid In Malacañang” ang talagang pag-uusapan at pagdedebatihan ng mga manonood.
Na-watch na namin ang pelikulang idinirek ni Darryl Yap na ipinrodyus ng Viva Films sa ginanap na red carpet premiere night nito sa SM The Block, Quezon City, nitong Biyernes, July 29.
In fairness, star-studded ang event na dinaluhan ng lahat ng cast members, kabilang na ang mga bidang sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga at Ella Cruz.
Naroon din si Kiko Estrada at ang tatlong aktres na gumanap bilang “maid in Malacañang” na sina Elizabeth Oropesa, Karla Estrada at Beverly Salviejo.
At siyempre, present din ang creative producer ng movie na si Sen. Imee Marcos at ang mga producer ng pelikula na sina Boss Vic at Vincent del Rosario.
At dahil sa dami ng imbitadong guest (in and out of showbiz) sa premiere night ng “Maid In Malacañang”, tatlong sinehan ang ginamit sa pagpapalabas ng pelikula.
Agree kami sa sinabi ni Direk Darryl na isang family drama ang pelikula na umikot sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Malacañang noong kasagsagan ng 1986 EDSA People Power Revolution kung saan pinalitan ni yumaong former President Cory Aquino sa pwesto si Ferdinand Marcos, Sr..
Tinalakay dito ang mga naging kaganapan sa buhay ng mga Marcos habang pinalalayas na sila ng mga mamamayan sa Palasyo, kabilang na nga riyan ang mga huling pag-uusap at komprontasyon ni Marcos, Sr. sa kanyang mga anak.
Ilan sa mga highlight ng pelikula ay ang confrontation scene ng mag-amang Cesar at Diego bilang sina Ferdinand Marcos at Bongbong Marcos, ang drama moments nina Cesar at Ella na gumaganap na Irene Marcos, at ang nakakaiyak na eksena nina Cesar at Cristine bilang si Imee Marcos.
Hindi na kami magugulat kung ma-nominate at manalo ng awards si Cesar para sa nasabing pelikula dahil talagang napakagaling ng ipinakita niyang akting.
Panalo rin ang nakakaiyak at nakakatawang eksena nina Karla, Elizabeth at Beverly bilang mga trusted kasambahay ng pamilya Marcos habang ipinapaalam nila sa lahat ng staff ng mga Marcos ang pag-alis ng pamilya sa Malacañang.
Tama rin ang sinabi ni Direk Darryl na kuhang-kuha ni Cristine ang kilos at pagsasalita ni Sen. Imee at nakakabilib din ang mga eksena niya bilang panganay na anak ni Ferdinand Marcos na siya palang tunay na “maid in Malacañang.” Kung bakit, yan ang alamin n’yo sa kabuuan ng movie.
Pero ang pinakanagmarka sa amin at sa iba pang nakapanood ng pelikula ay ang ending nito kung saan ipinakitang tinawagan si former president Cory Aquino para ipaalam na wala na sa Malacañang ang First Family.
Dito, ilang beses tinanong ni Cory ang kausap sa telepono kung mamamatay na si Marcos dahil nga sa health condition nito.
At nang sinabi ng kausap na hindi pa mamamatay si Marcos ay iniutos ni Cory Aquino na dalhin na ang Unang Pamilya sa Amerika.
Kasunod nito, ipinakita nga ang dating Pangulo na ginampanan ni Giselle Sanchez na nagma-mahjong kasama ang tatlong madre.
Nauna nang kinontra ng ilang taong malalapit sa pamilya Aquino ang pag-uutos ni Cory na dalhin sa ibang bansa ang mga Marcoses. Habang isinusulat namin ito ay wala pang reaksyon ang kampo ng mga Aquino sa pelikula ni Darryl Yap. Pero sigurado kami na maraming magre-react sa eksena ni Giselle Sanchez bilang si Tita Cory.
Showing na ang “Maid In Malacanang” sa mga sinehan nationwide sa August 3.
https://bandera.inquirer.net/307812/kris-aquino-bongbong-marcos-napagbati-ni-lolit-solis-noon-shocked-pa-nga-si-tita-cory-ng-lumabas-sa-news
https://bandera.inquirer.net/318112/giselle-sanchez-kasali-sa-maid-in-malacanang-nakiusap-sa-netizens-wala-pong-personalan-trabaho-lang-po
https://bandera.inquirer.net/317857/cast-ng-maid-in-malacanang-pumirma-ng-nda-bago-sumabak-sa-shooting-darryl-yap-nakiusap-sa-media-vloggers