Bet ng Pilipinas sa Mr. Teen Int’l napili na

Mister Teen International Philippines Andre Cue

Mister Teen International Philippines Andre Cue 2022/2023./ARMIN P. ADINA

TATLONG kinatawan ng Pilipinas sa iba’t ibang international pageants ang hinirang sa pagtatapos ng unang Mister International Philippines pageant nitong Hunyo.

Maliban sa pangunahing nagwagi na si Myron Jude Ordillano na lalaban sa Mister International ay sasabak din sa rampahan ang dalawa pang runner-up.

Ngunit ngayon, isa pang Filipino ang mabibigyan ng pagkakataong maiwagayway ang watawat ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado, ayon sa organayser ng pambansang patimpalak.

Sa isang post sa social media, sinabi ng Mister International Philippines organization na tinatalaga ang fourth runner-up na si Andre Cue ng Cagayan de Oro City bilang Mister Teen International Philippines 2022/2023.

Lalaban sa 2023 Mister Teen International contest na idaraos sa Laos sa isang taon ang 18-taong-gulang na senior high school graduate mula sa Xavier University-Ateneo de Cagayan.

Sa ngayon, may apat na kinatawan ng Pilipinas para sa mga pandaigdigang patimpalak ang nasa ilalim ng organisasyon. Maliban kina Ordillano at Cue, lalaban si first runner up Mark Avendaño sa Mister Global pageant habang sa Mister National Universe contest naman sasabak si Michael Ver Comaling.

Sa pambansang patimpalak, nakuha ni Cue ang pinakamaraming boto mula sa mga kawani ng media upang masungkit ang parangal bilang “Press Favorite.” Isa rin siya sa Top 15 sa “Modern National Costume” contest. Tatlumpu’t tatlong kandidato mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang lumahok sa 2022 Mister International Philippines pageant.

Sisikapin ni Cue na mabigyan ang Pilipinas ng dalawang magkasunod na panalo bilang Mister Teen International.

Lalahok siya sa Mister Teen International pageant ng organayser mula Singapore, at bahagi ng magkatuwang na patimpalak na Mister and Miss Teen International. Kapwa mga Pilipino ang kasalukuyang hari at reyna—sina Vaughn Justice Zabala ng Tacloban City at Carissa Neuel Finn Pono ng Ormoc City na nagwagi sa Bangkok, Thailand, noong nagdaang buwan.

Read more...