KAHIT magkakapamilya na ang kanilang turingan, may mga pagkakataon pa ring nag-aaway-away ang mga komedyanteng sina MC Calaquian, Lassy Marquez at Chad Kinis o mas kilala bilang Beks Battalion.
Matagal nang magkakasama sa iisang bahay ang tatlong stand-up comedian kaya kabisado na nila ang ugali ng isa’t isa pero may mga araw na nagkakapikunan at nagkakabardagulan din sila.
Pero ayon sa Beks Battalion, sa kabila ng mga tampuhan at hindi pagkakaunawaan, hindi raw sila papayag na maging sanhi ito ng pagkawasak ng kanilang 10-taong friendship.
“Walang dumating sa punto na maghihiwa-hiwalay pero nagkakagalit-galit kami kasi iba-iba ang utak namin, iba-iba ang moods namin.
“Hindi naman bawat gising namin, e good mood kami. Nagkakagalit talaga kami,” ang sabi ni MC sa naganap na mediacon ng “Beks 2 Beks 2 Beks” concert ng kanilang grupo na magaganap sa New Frontier Theater sa darating na August 26.
Ipinagdiinan din ng tatlong komedyante na never pa silang nag-away dahil sa lalaki dahil iba-iba naman daw ang kanilang type sa mga guys.
Kuwento ni Chad, mas tumatag at naging solid ang pagkakaibigan nila nina MC at Lassy dahil sa ipinatutupad nilang “batas” — “puwede kaming mag-away pero bawal maghiwalay.”
“Nag-aaway kami, kung may pagtatalo kami, sasabihin lang namin o pahinga muna tayo,” chika ni Chad na umaming nagkagalit na sila noon ni MC na tumagal ng three days.
“Nagkagalit kami, binlock niya ako sa Facebook, sa Instagram, sa telepono, lahat para hindi ko siya makontak.
“E, siyempre, alam ko naman ang number niya, bumili ako ng ibang SIM card. Dun ko siya tinext, sabi ko, ‘Kuya, sorry na.’
“’Tapos ang pagkakamali niya, ako yung naiwan sa bahay ng Beks Battalion. Siya, sa condo. E, nandoon kaming lahat, so ang saya-saya namin.
“Siya mag-isa lang, so wala siyang nagawa, umuwi pero sa pinto pa lang, nag-iyakan na kami.
“Laging ganoon, parang once in a blue moon, meron talaga kaming tampuhan. Hindi maiiwasan yan kasi parang pamilya naman.
“Kami, kapag nag-usap kami, no holds barred. Hindi na kailangan ng sugar coating para malaman ang katotohanan,” dire-diretsong chika ni Chad Kinis.
Samantala, bukod sa tatlong komedyante, sandamakmak din ang special guests nila sa kanilang “Beks 2 Beks 2 Beks” concert sa pangunguna ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda.
Nandiyan din sina Zeinab Harake, Jelai Andres, BUDAKHEL, Katrina Velardez Buboy Villar, Ate Gay, Tonton at Divine Tetay.
Promise ng Beks Battalion, dalawang oras nila paliligayahin ang lahat ng manonood sa kanilang first major concert sa New Frontier Theater sa August 26 dahil kinarir nila ito nang bonggang-bonggang-bongga. Mabibili na ang tickets sa Ticketnet.com.
“Pinaghandaan po talaga namin. Kahit naman noong pandemic, meron kaming mga hindi nailalabas even though nagba-vlog kami araw-araw.
“As time goes by kasi, may naiisip kami na bago tapos ibabangko lang namin and at the right moment, ilalabas namin,” ani Chad.
https://bandera.inquirer.net/280376/2-miyembro-ng-beks-battalion-tinamaan-ng-covid-19-chad-kinis-nahawa-sa-hiniram-na-lip-balm
https://bandera.inquirer.net/292964/beks-battalion-napasabak-sa-dramahan-sa-manananggal-ni-darryl-yap-ginawa-niya-kaming-aktor
https://bandera.inquirer.net/315004/chad-kinis-hiwalay-na-sa-dating-karelasyon-nasaktan-pero-hindi-umiyak-its-a-different-kind-of-pain