Dear Atty:
Ang pamilya po ng mama ko ay may sariling bahay pero hiniram po ng nakakatandang kapatid nila ang titulo sa tatay nila dahil maganda ang plano niya. Pero nang mamatay ang lolo namin nasa kanila na ang titulo at nakapangalan na sa tiyuhin namin, hinihingi ng mama ko ang share niya. Sabi ng tiyuhin ko hindi pa naman daw siya patay. Ngayon patay na siya. Pinapaalis na kami ngayon ng kanyang anak na doktor at itinulak pa ang mama ko nang pinsan ko na doktor na sanhi ng pagkabali ng braso niya. — Charlex
Dear Charlex:
Kailangan maging imbestigador sa inyong sariling kaso.
Una, pumunta sa Registry of Deeds kung saan nakatirik ang bahay. Mas mabuti kung maipa-photocopy ang titutlo. Paki-verify ang titulo at ano ang naging rason kung bakit ito nailipat sa kapatid ng nanay mo mula sa lolo at lola mo.
Pangalawa, kumuha ng certified true copy ng ‘cancelled title’ at ang mga dokumento na maaring magbigay linaw kung paano nailipat ang titulo mula sa lolo at lola mo patungo sa panganay.
Pangatlo, kumuha rin ng certified true copy ng death certificate ng iyong lolo at lala at kanilang marriage certificate at birth certificate ng lahat ng kanilang anak. Ito kasi ang magpapatunay ng may mga kapatid ang panganay.
Pang-apat. Kung sakali sa “Deed of Donation” ang rason kung bakit nailipat sa panganay ang titulo nila lolo at lola, ngunit wala naman itong katotohanan, maaari kayong mag-file ng criminal case na Falsification of Public Document sa Office of the Prosecutor sa lugar kung saan nakatirik ang bahay.
Pang-lima. mag- file ng demanda ng Annulment of Deed of Donation sa Regional Trial Court sa lugar kung saan naroroon ang bhay.
Kung mapilit ang “panganay” o yung anak nung panganay na paalisin kayo doon sa property, wag kayo agad aalis, hintayin ninyo ang demanda nila. Uulitin ko: Huwag aalis. Antayin ninyo na ang Judge ang mag-paalis sa inyo. Kaya nga kailangan maunahan ninyo sila sa pagsasampa ng kaso.
Warning lang, kung sakali magdemanda ng pagpapaalis sa inyo, sa malamang ay kayo ay mapapaalis. Sapagkat sa batas, ang ebidensya na kailangan sa ganitong klaseng demanda, ay titulo lamang. At sa sitwasyon natin ay ang titulo ay nasa pangalan ng “panganay”. Sa issue ng possession, titulo lang po ang tinitingnan ng Judge. Mas maigi na kayo ay makapagsampa na kaagad ng demanda ng pagpapawalang bisa ng “Deed of Donation”.
Pang-anim. Mag-sampa ng pangalawang demanda na “Intestate Succession of Lolo at Lola” sa Regional Trial Court upang matanggap ng ibang mga kapatid ng “panganay” ang kanilang share sa bahay. – Atty.