Andrea, Seth, Kyle, AC magpapasabog ng kilig at good vibes sa ‘Lyric And Beat’; bakit na-shookt si Jonathan Manalo?

Jonathan Manalo, Seth Fedelin, Andrea Brillantes, Darren Espanto at AC Bonifacio

MAGTATAMBAL muli sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin sa “Lyric and Beat,” ang pinakabago at orihinal na musical drama series ng iWantTFC na paniguradong magpapaawit at magpapaindak sa madlang pipol simula sa Agosto 10.

Sasamahan ang SethDrea ng all-around performers na sina Darren Espanto, AC Bonifacio, Kyle Echarri, Sheena Belarmino, Jeremy G, Angela Ken at Awra Briguela.

Bukod sa pagpapakilig ng SethDrea, makikita rin sa serye ang mga nakakabilib na pagtatanghal ng cast tampok ang musika ng tanyag na composer na si Jonathan Manalo.

Bibigyan ng panibagong atake ang mga awitin ni Jonathan tulad ng “Tara Tena,” “Kabataang Pinoy,” “Pangarap Kong Pangarap Mo,” at marami pang iba.

“Sa totoo lang, hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari ito kasi sobrang quality talaga ng output. Katulad nga nang sinabi ni Direk Dolly (Dulu), nakaka-proud na lahat ng elements perfectly woven together, na nabuo ito with this powerhouse cast na napakahusay,” pahayag ni Jonathan sa naganap na grand mediacon ng “Lyric And Beat” kahapon, July 19.


Sa panunulat at direksyon ni Dolly Dulu, na siya ring nagdirek ng Metro Manila Film Festival na “The Boy Foretold by the Stars” at “Love Beneath the Stars,” ang “Lyric and Beat” ay naimpluwensyahan ng karanasan niya sa theater at ng mga napanood na film musicals tulad ng “High School Musical” at “Camp Rock.”

Inamin ni Dolly na nahirapan siyang gumawa ng isang musical series dahil kinailangan sumailalim ng cast sa song at dance rehearsals kasabay ng acting workshops.

“Nakaka-proud kasi it’s a musical series, as in legit na musical series and hindi talaga nagpapahuli ang acting. Bawat episode may character na naha-highlight and bawat isa sa kanila, hindi talaga nagpahuli,” sey ng direktor.

Binigyang-diin din ni Dolly na hindi lamang tungkol kay Lyric at Beat ang serye dahil iba’t ibang karakter ang bibigyang atensyon sa bawat episode.

Magsisimula ang serye sa kwento ni Lyric (Andrea), isang dalagang gustong maging isang sikat na mang-aawit tulad ng kanyang yumaong ina.

Matapos makapasok si Lyric bilang isang iskolar sa prestihiyosong Philippine National Conservatory of Music (PNCM), kung saan hinahasa ang mga pinakamahuhusay na mang-aawit sa bansa, kailangan niyang maging bahagi ng isang show choir at manalo sa paparating na pambansang kompetisyon.

Ito ang kasunduan nila ng kanyang ama na si Jeff (Lito Pimentel) na hindi pabor sa ambisyon ni Lyric na maging singer dahil unstable ang karerang ito.

Sa PNCM, makikilala rin ni Lyric ang iba’t ibang mga estudyante. Nariyan si Beat (Seth), isang introverted freshie, ngunit dahil sa impluwensya ni Lyric, na kanya ring pasikretong hinahangaan, ay nalampasan niya ang kanyang stage fright.

Makikilala rin ni Lyric si Jazz (Darren), isa sa pinakamagaling na mang-aawit sa PNCM at ang pinuno ng Prime Belters choir at si Cadence (AC), ang matalik na kaibigan ni Jazz na gustong pasiglahin ang show choir sa pamamamagitan ng pagsasayaw.

Magkukrus din ang mga landas ni Lyric at ng iba pang mga karakter tulad nina Grae (Kyle), ang pinuno ng School for Modern Pop, ang karibal na paaralan ng PNCM; Melissa (Sheena), ang kapatid ni Jazz na isa ring magaling na mang-aawit pero tinaguriang resident mean girl sa paaralan; Stevie (Jeremy), isang mang-aawit na nagkakaroon lang ng kumpiyansa kapag kumakanta; Virlyn (Angela), isang mahusay na performer na marunong tumugtog ng kahit anong instrumento; at Unique (Awra), isang performer na tinanggihan ng Prime Belters dahil sa kanyang gender identity.

Kilalanin sina Lyric, Beat, Jazz, Cadence, Grae, Melissa, Stevie, Virlyn, Unique at tunghayan ang kanilang kwento sa pag-abot ng kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng libreng pag-stream ng “Lyric and Beat” sa iWanTFC app (iOS and Android) at website (iwanttfc.com) sa Pilipinas at Indonesia.

Mapapanood din ito ng mga premium user sa iba’t ibang parte ng mundo simula Agosto 10.

https://bandera.inquirer.net/297599/ac-bonifacio-nape-pressure-bilang-unang-artist-ng-star-magic-records
https://bandera.inquirer.net/286510/robi-edward-darren-ac-solid-ang-barkadahan-sino-ang-puso-ng-kanilang-friendship
https://bandera.inquirer.net/314411/vice-ganda-hindi-mag-oober-da-bakod-sa-gma-7-jonathan-manalo

Read more...