Diskarte ng Ateneo at La Salle

HINDI raw nakapag-build up nang maayos ang five-time champion Ateneo Blue Eagles para sa 76th season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Ito ang dahilan kung bakit nabigong makarating sa Final Four ang Blue Eagles at natapos ang kanilang paghahari nang ganun na lang.

Sino lang daw ba ang nadagdag sa Ateneo kundi si Chirs Newsome na matagal nang nasa training team nila.  Iisa lang ang ang reserba nila sa ngayon at ito’y isang manlalarong may apelyidong Pinggoy.

Kung wala silang mare-recruit na mahusay na manlalaro buhat sa junior ranks ng Ateneo o sa ibang eskwelahan, hindi lalakas ang Blue Eagles sa susunod na season.

Kaya naman mayroong nagsasabi na nakakaawa ang sitwasyong napasukan ni coach Dolreich “Bo” Perasol na humalili kay Norman Black bago nagsimula ang season.

Hindi kasi siya nabigyan ng sapat na panahon para makapag-recruit ng mga manlalaro niya. Kung sakali ay ngayon pa lang niya talaga magagawa iyon.

At siguro naman ay may sapat siyang panahon para makapag-palakas ng koponan. Well, kung minalas ang Ateneo sa taong ito, aba’y mukhang sinusuwerte ang arch rival nitong De La Salle Green Archers na nakarating sa Final Four.

Papunta sa Final Four ay dalawang beses na dinaig ng Green Archers ang Blue Eagles. Winalis nila ang kalabang mortal at napakalaking achievement nun. Kumbaga’y sobra-sobrang dahilan para sa bragging rights!

Gaya ng Ateneo ay bago rin ang coach ng La Salle sa katauhan ni Juno Sauler na humalili kay Gelacio Abanilla III dalawang linggo bago nagsimula ang season.

Bigla ngang inalis bilang assistant coach ng Barangay Ginebra si Sauler upang ilipat sa La Salle. Kasama niyang inalis at inilipat sa kampo ng Green Archers si Allan Caidic na ngayon ay assistant niya.

Isa pang assistant niya ang dating Gin King na si Zandro Limpot, Jr. Ang La Salle ay nagposte ng 10-4 karta sa pagtatapos ng elims. Ito’y tulad ng record ng National University at Far Eastern University. pero dahil sa mas mataas ang quotient ng NU ay nakakuha kaagad ang Bulldogs ng twice-to-beat advantage sa Final Four.

Nagmistula namang best-of-three ang laban sa pagitan ng Green Archers at Tamaraws. Tinalo ng La Salle ang FEU, 74-69, noong Sabado at kung muling mamamayani ang Green Archers bukas  ay tuluyan na silang didiretso sa best-of-three Finals.

Hihintayin nila ang magwawagi sa laban ng NU at University of Santo Tomas. Nagbunga ang magandang build-up ng La Salle dahil sa napakikinabangan na nito nang husto ang mga big men na sina Norbert Torres at Arnold Van Opstal.

Matindi rin ang contribution nina  Jeron Teng at Almond Vosotros. Ang lahat ng piyesang nakuha ng La Salle sa nakaraang seasons ay nagbo-blossom na sa tamang panahon.

Pero kumpara sa Ateneo, aba’y patuloy ang build-up ng La Salle. Sa kasalukuyan ay may dalawang Fil-Ams na nagre-residence sa La Salle at ito ay dinala ng dating Green Archers na si Ponce Castelo sa kanyang eskwelahan bago nagsimula ang school year.

Kumbaga’y hindi lang sa season na ito nais maghari ng La Salle. Kung nakalimang sunod na titulo ang Ateneo, malamang na iyon ang hahabulin ng Green Archers!

Read more...