TATLONG buwan matapos nilang ibandera sa buong universe ang kanilang engagement, nagpakasal na ang mga Hollywood superstars na sina Ben Affleck at Jennifer Lopez sa Las Vegas.
Naganap ang wedding ng celebrity couple nitong nagdaang Sabado base na rin sa marriage license na kanilang isinumite sa Clark County, Nevada, ayon sa report ng TMZ.
Makikita sa nasabing dokumento ang mga pirma nina Affleck, Benjamin Geza at Lopez, Jennifer na naging Affleck, Jennifer na nga matapos ang kasal.
Ganito inilarawan ng TMZ ang pagpapakasal ng dalawang Hollywood stars, “They did it like a couple of kids looking to elope, saying ‘I do’ out in the desert.”
Matatandaang naging magdyowa na noon sina Ben, 49 at J Lo, 52 taong 2002 matapos nilang gawin ang pelikulang “Gigli”.
Noong 2003 hindi natuloy ang plano nilang pagpapakasal hanggang sa ihayag na nga nila sa publiko ang kanilang paghihiwalay pagsapit ng 2004.
Last year, naging laman na naman ng mga showbiz websites at vlogs ang “Bennifer” nang i-announce nila ang kanilang pagbabalikan. Nito lang nagdaang Abril, ibinalita ng dalawa sa publiko na engaged na sila.
“It’s a beautiful love story that we got a second chance,” ang pahayag ni Jennifer nang kumpirmahin ang pagbabalikan nila ni Ben Affleck.
Noong nakaraang Father’s Day, nag-post pa si Jennifer ng kanyang mensahe para sa kanyang fiancé kung saan makikita ang suot niyang emerald-cut pale green diamond engagement ring.
Ito na ang ikaapat na pagpapakasal ni J Lo habang ikalawa naman para kay Ben. Naging asawa ng singer-actress at dancer ang aktor na si Ojani Noa, ang dancer na si Cris Judd at ang singer na si Marc Anthony, ang tatay ng kambal niyang anak na sina Max at Emme, 14.
Naging asawa naman noon ni Ben ang aktres na si Jennifer Garner at biniyayaan sila ng tatlong anak — sina Violet, 16, Seraphina, 13, at Samuel, 10.
https://bandera.inquirer.net/282300/j-lo-at-a-rod-nagsalita-na-sa-tungkol-sa-kanilang-paghihiwalay
https://bandera.inquirer.net/286603/sila-na-ba-ulit-j-lo-at-ben-affleck-na-picturan-na-naghahalikan
https://bandera.inquirer.net/279645/jennifer-lopez-alex-rodriguez-naghiwalay-na