“CREEPY!” Ganyan inilarawan ni Sen. Imee Marcos ang pagganap ni Cristine Reyes sa kontrobersyal na pelikula ng Viva Films na “Maid In Malacañang”.
Nakasama ang senadora sa bonggang grand mediacon ng nasabing movie na idinirek ng equally-controversial filmmaker na si Darryl Yap na ginanap lang naman sa Manila Hotel.
Kumpleto rin ang cast members sa presscon sa pangunguna nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Diego Loyzaga, Cristine Reyes at Ella Cruz na siyang gaganap bilang pamilya Marcos.
Dito nga nabanggit ni Sen. Imee ang kanyang rebelasyon tungkol sa akting na ipinakita ni Cristine sa pelikula na gumaganap bilang young Imee Marcos.
Kuwento ng senador at nakatatandang kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos, “nainis” nga raw siya kay Cristine dahil sa galing nitong manggaya. Kuhang-kuha raw nito ang kilos at pananalita niya, pati na ang kanyang paglalakad.
“Naiinis nga ako rito kay Cristine ang galing manggaya. Ang creepy na nga ng dating dahil pati ‘yung pangit na paglalakad ko gayang-gaya niya,” natatawang chika ni Sen. Imee.
Natawa lang si Cristine sa sinabi ni Sen. Imee na kalapit lamang niya ng upuan sa isinagawang mediacon. Nagpasalamat naman siya sa senadora dahil todo ang suporta nito sa kanya habang ginagawa ang pelikula.
Sa katunayan, ang suot daw niyang white dress sa mediacon ay ipinahiram sa kanya ni Sen. Imee at in fairness, kasyang-kasya maman daw ito sa kanya.
Samantala, bukod sa papuri ng senadora kay Cristine, ipinagsigawan naman ni Direk Darryl sa harap ng entertainment media na isa na siyang fan ni Cristine ngayon dahil sa galing nito sa “Maid In Malacañang.”
“Super fan na talaga ako ni Cristine dahil sa galing niya sa ginawa naming pelikulang ito. Ibang klase ang ipinakita niya rito,” sey ng direktor.
In fairness, ngayon pa lang ay marami na ang naiintriga at nasasabik na mapanood sa mga sinehan ang sinasabing most controversial film ng 2022.
Sa pagbabalik ng dating First Family sa Malacañang para muling pamunuan ang Pilipinas, alamin ang bersiyon ng kuwento ng mga Marcos tungkol sa isang hindi malilimutang bahagi ng kasaysayan.
Mapapanood na ang “Maid In Malacañang” sa lahat ng sinehan simula sa August 3, nationwide.
Ang “Maid In Malacañang” ay isang family drama movie tungkol sa last 72 hours ng mga Marcos sa loob ng Palasyo bago lumipad papunta sa Hawaii noong 1986 People Power Revolution. Tuklasin ang bersiyon ng world event na ito base sa eyewitness account ng isang “reliable source.”
Kasama rin sa pelikula sina Karla Estrada, Elizabeth Oropesa at Beverly Salviejo na siyang gaganap bilang mga maid in Malacañang.
https://bandera.inquirer.net/316952/cristine-sa-pagganap-bilang-imee-marcos-ang-tindi-ng-pressure-pinag-aralan-ko-talaga-bawat-salita-at-kilos-niya-pati-ikot-ng-mata
https://bandera.inquirer.net/317016/darryl-yap-sa-maid-in-malacaang-gusto-ko-lang-maisapelikula-ang-sinasabi-kong-nawawalang-piraso-ng-ating-kasaysayan
https://bandera.inquirer.net/303897/cristine-umiyak-nang-aluking-magbida-sa-project-tungkol-sa-marital-affairs-omg-i-was-shocked