LITERAL na nang-agaw ng eksena si Graciella Lehmann ng Oriental Mindoro sa national costume competition ng Binibining Pilipinas 2022 pageant dahil sa suot niyang “tikbalang” na ilang metro ang taas.
Itinanghal ang kumpetisyon sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Hulyo 16, kung saan ipinakita ng 40 kandidata ng patimpalak ang kani-kanilang national costume halaw sa iba’t ibang inspirasyon mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Hindi man opisyal na kasali sa bilangan ng mga iskor para sa karera sa mga korona, isa pa rin ang national costume competition sa pinakainaabangan ng mga tagahanga sapagkat naipamamalas dito ang husay at pagkamalikhain ng mga Pilipino. At isa rin itong paraan upang magkabugan ang mga kandidata at mga lugar sa bansa na kinakatawan nila.
Namangha ang mga manonood sa New Frontier Theater nang lumabas si Lehmann suot ang costume na nilikha ng TV host at aktor na si Paolo Ballesteros, at sinabayan pa ito ng kandidata ng mala-kabayo niyang paglalakad.
Marami rin ang nagpalakpakan nang lumabas si Cyrill Payumo ng Porac, Pampanga. Kabilang kasi sa mga manonood ang mga kinatawan ng pamayanang Aeta Magantsi sa bayan niya. Tumulong din sila sa pagbuo sa costume ng dilag, na nagwagi na bilang Miss Tourism International sa Malaysia noong 2019.
Hila-hila naman ng TV host at komedyanteng si Herlene Nicole Budol ang “higante” mula sa “Higantes Festival” ng bayan niyang Angono sa lalawigan ng Rizal.
Hindi pa isiniwalat kung sino ang nagwagi bilang “Best in National Costume.” Malalaman ito sa grand coronation night na itatanghal sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31.
Bago ang huling tagisan, muling masisilayan ang mga kandidata sa pagbabalik ng tradisyunal na grand parade of beauties sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 23.