LUMIKHA ng ingay ang pagkakapili kay Herlene “Hipon” Budol bilang isa sa mga kalahok ng Binibining Pilipinas 2022 pageant.
Hindi kasi karaniwan para sa isang komedyante ang makipagsapalaran sa isang malaking beauty contest na nilalahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Lahat naman kami deserving. Lahat ng pumasok sa Top 40 deserve na deserve,” ani Budol nang tanungin kung bakit siya dapat koronahang Bb. Pilipinas.
Hinarap niya ang ilang piling kawani ng midya sa Corte Ibiza sa Quezon City noong Hulyo 3 upang talakayin ang una niyang pagtuntong sa isang pambansang patimpalak.
“Kung sa tingin ninyo komedyante lang ako, kaya ko ring maghabol ng korona na galing sa pinaghirapan ko,” paglalahad pa ng kandidata mula Angono, Rizal.
Pagpapatuloy pa niya: “Alam ko na araw-araw ginagalingan ko, kaya araw-araw I am a better person. I am a better version of myself every day.”
Ayon kay Budol, ang manager niyang si Wilbert Tolentino, negosyante at dating Mister Gay World Philippines, and naghimok sa kanyang subukang sumali sa Bb. Pilipinas.
“Abangan n’yo na lang sa blog namin kung ano ang pinakarason kung bakit niya ako nakumbinsi na sumali sa Bb. Pilipinas, malapit na malapit na,” paanyaya pa niya.
Umapela rin siya sa mga nagdududa sa kakayahan niya na “tignan n’yo muna kasi. Lahat ng tao may chance mabago, madagdagan ang knowledge, at siguro isa ako doon. Kaya bigyan n’yo lang ako ng chance, wala namang masama kung mag-try, ‘di ba?”
Kabilang si Budol sa 40 kandidatang nagtatagisan para sa apat na korona—Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Intercontinental, Bb. Pilipinas Globe, at Bb. Pilipinas Grand International.
“My dream is to be the first Miss Grand International from the Philippines,” pahayag pa niya.
Itatanghal ang 2022 Bb. Pilipinas grand coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31.
Mapapanood ito nang live sa Kapamilya Channel, Metro Channel, TV5, at A2Z, at may real-time streaming din sa iWantTFC at sa opisyal na YouTube channel ng Bb. Pilipinas.