Pag di pabor sa kanila, discrimination kaagad

PUMALAG ang ilang grupo ng mga Pilipino sa United Kingdom nang nagpalabas ng mga karatula ang UK bilang bahagi ng kanilang immigration campaign na nanawagang umuwi na ang mga ilegal na dayuhan sa kani-kanilang bansa.

Katulad sa Saudi Arabia, binigyan na lamang ng palugit na hanggang Nob. 3, 2013 ang lahat ng mga ilegal na nanatili doon na lumabas o umalis na ng Saudi o di kaya’y isaayos ang kanilang mga status upang hindi sila mapabilang sa mga puwersahang paaalisin sa pamamagitan ng deportation o maparusahan.

Ikinagalit ng ilan nating mga kababayan ang katulad na panawagang iyon sa UK. Ngunit ang katotohanan, karapatan ng pamahalaan ng bawat bansa na mahigpit na ipatupad ang kanilang mga batas. Dahil kung wala nga silang gagawin, lalo lamang lalago ang bilang ng mga ilegal na dayuhan at naaagawan pa ng trabaho ang kanilang mga national o kalahi.
Wala kaming nakikitang pagtatangi o pagiging racist sa panawagang iyon. Ang batas ay batas. Puti o maging itim ‘yan, pare-parehong ipinatutupad ang batas.

Ang malungkot nga kasi, kapag tinatamaan ang mga kababayan nating ilegal na mga dayuhan doon, na mas pinipili pa ang lumabag sa batas, sa pag-aakalang makalulusot sila hanggang nais nila, saka sila hihiyaw ng may pagtatangi. Hindi anya patas iyon.

Pagiging racist anya iyon, pero ang totoo, hindi kasi pumapabor para sa kanila ang naturang panawagan. Iyan ay para lang naman doon sa mga ilegal at hindi talaga sumusunod sa batas.

Kung tatanungin naman ang mga kababayan nating masunurin sa batas, wala silang nakikitang problema sa naturang kampanya.

Tama lamang anya iyon, pabor pa nga sila doon dahil pati sila’y naniniwala na abusado naman talaga ang ilan nating mga kababayan.

Nagtungo sa Radyo Inquirer si Brenda Batornico para sa reklamo ng kapatid nitong si Sufernie Batornico na nasa Saudi Arabia.

Matagal na anyang natapos ang kontrata ni Sufernie ngunit hindi ito pinauuwi ng kanyang employer. Pangako lamang ito nang pangako na pauuwiin ngunit hindi naman tinutupad.

Ipinagbigay alam ng Bantay OCW kay POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang sumbong ni Brenda at kaagad namang nag-isyu ng suspension order ang POEA laban sa Asean Management and Technical Agency.

Dahil anuman ang mangyari sa pag-aabroad ng ating OFW, pananagutan sila ng ahensiyang nagpaalis sa kanila. At kung hindi nila iyon aasikasuhin tulad ng pagpapadala ng kanilang mga plane ticket pauwi, sususpindihin ng POEA ang kanilang mga lisensiya, hanggang hindi sila umaaksyon sa naturang reklamo.

Lumapit sa Bantay OCW sa Radyo Inquirer si Eduardo Gutierrez, OFW galing Saudi Arabia. Matagal na umano niyang hinihintay ang mga benepisyong ipinangako sa kaniya ng kumpanyang pinasukan sa Saudi, ngunit hindi pa rin niya ito natatanggap.

Palibhasa’y usapin ito ng salapi o money claim, kung kaya’t ipinadala namin ang kaso sa National Labor Relations Commission.
Itinakda sa Setyembre 30, 2013 ang paghaharap ni Gutierrez at ang kanyang ahensiya.

Sa ganitong mga kaso, palaging may pananagutan ang ahensiya. Anumang mga kasunduan na hindi tinupad ng employer sa abroad, sagutin iyon ng ahensiyang nagpaalis sa kanya. Tatandaan po natin, anumang mangyari sa inyong pag-aabroad, kung may ahensiya kayo, pananagutan nila kayo hanggang sa inyong pagbabalik.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...