Cebuanong tatay naka-graduate sa college dahil sa pagtitinda ng chicharon: ‘Salamat mga suki!’

Jesus Tiwan Fuentes

“SALAMAT mga suki!”

Yan ang bahagi ng pahayag ng 41 anyos na chicharon vendor na si Jesus Tiwan Fuentes matapos mag-graduate ng Bachelor of Elementary Education sa Talisay City College sa Cebu ngayong taon.

Hindi nakalimutang pasalamatan ni Jesus ang lahat ng mga tumatangkilik sa kanyang paninda nang magtapos siya sa pag-aaral dahil napakalaking tulong ng mga ito sa kanilang pamilya.

Bukod sa gastos sa kanyang pag-aaral, binubuhay din niya ang apat na anak na kasama niyang naninirahan sa isang barong-barong sa Barangay Labangon, Cebu City.

Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page, nag-post si Mang Jesus ng mensahe (sa salitang Cebuano) para pasalamatan ang lahat ng tumulong at naging inspirasyon niya para maabot ang pinapangarap na diploma.

“Sa aking mga suki sa chicharon, maraming salamat sa pagsuporta ninyo sa aking maliit na paninda, kahit maliit basta palagi.

“Mainit, umulan, pupunta ako sa inyong mga tahanan isa-isa para lamang makasustento ako sa aking mga anak at aking pamilya,” pahayag ng bagong graduate na tatay.

Pagpapatuloy pa niya, “Kasama kayo sa aking achievement sa buhay.

“Kahit na nagsasawa na kayo sa aking mukha sa pagbalik-balik ko sa inyong mga tahanan, bumili pa din kayo sa akin. Maraming salamat mga suki.

“Bili pa din kayo chicharon ko, ha,” chika pa ni Jesus.

Base sa ulat ng Cebu Daily News, patigil-tigil sa pag-aaral noon si Jesus dahil sa sobrang hirap ng buhay. Sa edad na 23, nag-asawa  na si Jesus at biniyayaan ng apat na anak.

At knows n’yo ba na bukod sa pagtitinda ng chicharon ay naging  promodiser din siya para sa isang beauty company at nagtrabaho rin bilang attendant sa gasoline station.

At kahit nagkaroon na ng sariling pamilya, nagpunyagi pa rin si Jesus para makapagtapos sa college. Nakakita siya ng eskwelahan na  hindi kailangang pumasok araw-araw para makapagtrabaho pa rin siya.

Ngunit inamin ni Jesus na tutol na tutol ang kanyang asawa sa pagbabalik niya sa pag-aaral, “Lagi kaming nag-aaway noong first year ko. Dahil sabi niya ay dagdag gastusin lang ito.

“Pero bahala siyang magreklamo, basta determinado akong makatapos ng pag-aaral,” aniya pa.
Kapag pumapasok siya sa Talisay City College gamit ang bisekleta, dala-dala na niya ang panindang chicharon na ibinebenta niya sa mga kaklase niya at mga professor.

“Maraming salamat sa inyo dahil nandiyan kayo palagi sa mga panahong nangangailangan ako ng tulong, like sa reporting or demo.

“Alam ko na naiinis na kayo dahil kulang ang aking oras, pero nagpapasalamat pa din ako sa inyong lahat dahil sa suporta niyo sa akin,” sabi ni Jesus.

Mensahe naman niya sa kanyang mga teacher, “Dahil sa inyo nakatapos ako sa aking pag-aaral at hindi ako natanggal sa aking dream course, maraming salamat sa opportunity dahil sa inyo nakapagtapos ako.”

Sa ngayon, naghahanap siya ng paraan para makapag-review nang libre bilang paghahanda sa pagkuha niya ng licensure exam para sa mga teacher.
https://bandera.inquirer.net/308125/alexa-ilacad-naka-graduate-na-sa-college-still-my-greatest-achievement

https://bandera.inquirer.net/282454/ate-gay-hindi-nagpatalo-sa-sakit-magaling-na-ako-thank-you-jesus

https://bandera.inquirer.net/299017/babala-ni-quiboloy-sa-mga-bumabanat-sa-kanya-you-will-see-much-worse-than-the-omicron-virus

Read more...