ISANG madamdaming mensahe para sa kanyang bunsong anak na si Helga ang ibinahagi ng broadcaster na si Anthony Taberna sa pamamagitan ng social media.
Ilang araw matapos ibalita ni Ka Tunying sa publiko na cancer free na ang panganay na si Zoey, pinasalamatan naman niya si Helga dahil ito nga ang naging instrumento sa paggaling ng anak.
Sa kanyang Instagram account, sinabi ng news anchor na si Helga ang nagsilbing bone marrow donor ng kanyang ate nang sumailalim ito sa transplant sa Singapore.
“Isa sa lubos naming ipinagpapasalamat sa Panginoong Diyos ay binigyan Niya ng isang mabuting kapatid si Zoey na may napakalaking papel na ginampanan sa pagpapagamot ng Ate niya. Si Helga ang siyang bone marrow donor ng kanyang Achi Zoey nang sumailalim ito sa transplant,” simulang pahayag ni Anthony.
“Una’y dumaan muna ako, si Misis at si Helga sa isang pagsusuri at lumitaw na si Bunso ang perfect match para maging stem cell donor ng kanyang kapatid.
“Kahit minsan, hindi nagtanong si Helga kung bakit siya. Ang tanong lang niya, kailan gagawin. ‘Yung proseso ng preparasyon hanggang sa araw na hinarvest sa kaniya ang stem cell ay hindi madali para sa isang batang tulad ni Helga subalit hindi siya dumaing, hindi siya nagreklamo,” lahad ni Ka Tunying.
Patuloy pa niyang mensahe sa anak, “Bayani si Helga sa tingin namin lalo na ni Zoey dahil nagsakripisyo ito nang walang tanong-tanong para makatulong na gumaling ang kaniyang kapatid.
“Siya rin ang unang nagpapasaya sa Ate niya pag malungkot ito at nagpapalakas ng loob nito pag gusto nang sumuko dahil sa kirot na dulot ng karamdaman,” sabi pa ni Anthony.
“Helga, we’re so proud of you. Pinatunayan mo ang tunay na kahulugan ng pag-ibig sa kapatid. We love you! Ipinagmamalaki ka namin,” aniya pa.
Sa kanyang sariling anunsyo ay nagpasalamat din si Anthony sa mga nagdasal at nagpakita ng kanilang suporta para sa kanyang anak.
Sabi pa ni Ka Tunying sa nauna niyang post sa paggaling ni Zoe, “Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng kasama namin sa pananalangin. Nakauwi na kami kasama si Zoey pagkalipas ng halos kalahating taon sa Singapore. Salamat higit sa lahat sa Panginoong Diyos.”
Last week, July 4, bukod sa post ji Ka Tunying sa Facebook tungkol sa paggaling ni Zoey, nagbahagi rin ang teenager ng kanyang saloobin matapos gumaling sa cancer.
“I am totally cancer-free! I couldn’t have done all of this without the help, support, and love of everyone special to me and, most of all, God,” mensahe ng anak ni Anthony.
https://bandera.inquirer.net/317607/anak-ni-ka-tunying-na-si-zoey-taberna-cancer-free-na-i-thought-it-was-the-end-for-me-that-my-life-would-end-at-13
https://bandera.inquirer.net/313582/ka-tunying-sa-patuloy-na-paglaban-ni-zoey-sa-leukemia-konti-na-lamang-bumabalik-na-sa-porma
https://bandera.inquirer.net/299413/ka-tunying-naniniwalang-magaling-na-ang-anak-na-may-leukemia-siya-ang-pinakadakilang-manggagamot