‘MayWard’ may bonggang reunion para sa Bb. Pilipinas 2022

Muling makikipagsapalaran sa Bb. Pilipinas pageant sina (mula kaliwa) Jash Dimaculangan, Karen Mendoza, Gabrielle Basiano, Graciella Lehman, at Jane Genobisa./ARMIN P. ADINA

Muling makikipagsapalaran sa Bb. Pilipinas pageant sina (mula kaliwa) Jash Dimaculangan, Karen Mendoza, Gabrielle Basiano, Graciella Lehman, at Jane Genobisa./ARMIN P. ADINA

MATAGAL na mula nang huling nagtambal sina Edward Barber at Maymay Entrata, kilala sa bansag na “MayWard,” sa isang proyekto sa pelikula o telebisyon.

Ngunit muli silang makikita sa iisang entablado para sa pagdaraos ng grand coronation night ng Binibining Pilipinas 2022 pageant.

Nakatakdang magtanghal si Entrata sa naturang palatuntunang idaraos sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31. Samantala, makakapiling naman ni Barber ang mga manonood sa pamamagitan ng mga digital platform.

Kasama ni Barber sa digital chatroom ang kapwa nila produkto ng “Pinoy Big Brother” at 2020 Miss Grand International first runner-up na si Samantha Bernardo.

Magbabalik naman bilang hosts ng patimpalak sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International first runner-up Nicole Cordoves, na bumuo sa unang all-female hosting duo na sumampa sa entablado ng 2021 Bb. Pilipinas pageant.

Isasalin nina (mula kaliwa) Samantha Panlilio, Hannah Arnold, at Miss Intercontinental Cinderella Faye Obeñita ang kanilang mga korona bilang Bb. Pilipinas sa mga magmamana ng mga titulo na pipiliin mula sa 40 kandidata./ARMIN P. ADINA

Isa pang aabangan sa 2022 Bb. Pilipinas grand coronation night ang pagtatanghal ng P-pop group na SB19 sa bersyon nila ng tanyag na theme song ng patimpalak, na unang ipinarinig sa press presentation ng 40 kandidata na isinagawa noong isang linggo.

Nilabas na rin ng pangkat ang track artwork ngayong Hulyo 10. Mapapanood naman ang lyric video ng awitin sa Hulyo 11.

Sa Hulyo 13 naman, ipasisilip ng SB19 ang in-studio music video para sa bersyon nila ng Bb. Pilipinas theme song, na mapapanood naman nang buo sa Hulyo 15, kung kalian din ilalabas ang opisyal na audio.

Mapapanood ang 2022 Bb. Pilipinas grand coronation night sa Kapamilya Channel, Metro Channel, TV5, at A2Z, at may real-time streaming din sa iWant TFC at sa official Bb. Pilipinas YouTube channel.

Read more...