Angel di pa handang mag-‘I do’ kay Phil: ‘I love’ na lang muna!

Phil Younghusband at Angel Locsin INQUIRER

Kung si Angel Locsin ang tatanungin, mas gusto siyempre niyang marinig mismo kay Phil Younghusband ang marriage proposal nito kesa mabasa sa mga dyaryo o mapanood sa TV.

Siyempre, mas makakapag-moment nga naman siya kung sa kanya unang sasabihin ni Phil, paano nga naman niya mae-enjoy ang ganu’n kaimportanteng bagay sa buhay nila ng kanyang boyfriend kung bigla na lang niyang mababasa na sa ganitong date at sa ganitong lugar siya yayayain ni Phil na magpakasal.

Ayon pa kay Angel, sa ngayon talaga ay wala pa sa mga plano nila ni Phil ang magpakasal, pero ayaw din naman niyang magsalita nang tapos, basta hindi raw niya alam. Sa ngayon daw ay masaya pa rin sila ni Phil at may kani-kanya pa silang priorities sa buhay, lalo na sa kanilang pamilya.

Hindi rin diretsong masagot ni Angel kung handa na ba siyang mag-dialogue ng “I do” kay Phil, ito lang ang kanyang nasabi, “Ewan ko, pag tinanong ka na hindi mo naman alam kung ano ang mangyayari. Basta I love, love!”

Tungkol naman sa pagbabalik ng Darna, sinabi ni Angel na kung sa kanya pa rin ipalulunok ang “bato” ng Pinay superhero ay hindi niya tatanggihan, pero pwede rin naman daw itong ipagkatiwala sa younger generation para naman ma-experience din nila ang kakaibang feeling ng pagiging Darna.

Ang ilan nga sa mga sinasabing pinagpipilian ng ABS-CBN na posibleng maging Darna ay sina KC Concepcion, Jessy Mendiola, Cristine Reyes, Sarah Geronimo at ang leading lady ni Ejay Falcon sa Dugong Buhay na si Yam Concepcion na malaki ang pagkakahawig kay Anjanette Abayari na nag-Darna rin sa pelikula.

 

Read more...