‘Osang bastos pa rin, walang breeding!’

Lolit Solis at Rosanna Roces

Sa halip na makakuha ng simpatya dahil pawala na nga ang kanyang karera ay mas dumami pa ang naiinis ngayon kay Rosanna Roces dahil sa kanyang pagtatapang-tapangan.

Sa pinakahuling panayam namin kay Osang sa Showbiz Police ay itinanong namin sa kanya kung bakit nag-post siya sa Facebook na kay Senator Bong Revilla dapat kolektahin ng GMA 7 ang pambayad niya sa danyos dahil natalo nga siya sa kasong breach of contract na isinampa laban sa kanya ng network.

Marami kasing naasiman sa kanya sa ipinost niyang ‘yun, maraming nagalit sa aktres, lalo na ang mga taong malapit sa aktor-politiko na tulad ni Manay Lolit Solis.

Ang sabi ni Osang ay biro lang daw naman ang ginawa niya, wala raw siyang planong insultuhin o husgahan ang balae niyang hilaw, nagbibiro lang daw talaga siya.
Dahil du’n ay umani ng kaliwa’t kanang pagbatikos si Rosanna, maraming nagdiin na hanggang ngayon daw ay wala pa rin siyang ipinagbabago, mayabang pa rin siya na tulad nang dati nu’ng sikat pa siya.

Sabi ni Sonia Francisco, kaibigan naming designer, “Wala pa rin siyang pagbabago, bastos pa rin siya at alam mong nagkapangalan lang, pero huwag mo siyang hahanapan ng breeding dahil wala ka talagang matatagpuan sa kanya.

“Di ba naman napakasarap niyang tuktukan sa ulo? Gawin bang biro ang isang senaryong halos ikapugto na ng hininga ng mga nagmamahal kay Senador Bong?

“Mayabang pa rin si Osang, kaya sa halip na maawa ka sa kanya dahil waley na ang career niya, e, maiisip mo pa tuloy na mabuti nga sa kanya ang mga nangyayari ngayon!” naiinis na komento ng aming kaibigan.

Sa totoo lang, sana nga ay magkaroon ng isang magandang paggising si Rosanna Roces para mauntog siya sa katotohanan na sayang na sayang siya at ang kanyang karerang basta na lang niya pinabayaan.

Read more...