INAMIN ni Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto na lubos niyang ikinagalak nang sa wakas ay hinirang na rin bilang National Artist ang Superstar na si Nora Aunor.
“Siyempre natutuwa ako, isa sa pinakamasaya ako kasi isa ako sa mga naka-partner niya, naging leading man niya,” sabi ni Nieto o Yul Servo sa Inquirer sa isang panayam sa tanggapan niya noong Hulyo 4, ang araw ng unang sesyon ng ika-12 sangguniang panlungsod ng Maynila na pinangungunahan niya bilang bise-alkalde ng lungsod.
“Isang pangarap ng mga artista na makapareha ang nag-iisang Superstar, ‘di ba?” pagpapatuloy pa niya.
Sinabi ni Nieto na naniniwala siyang matagal na dapat iginawad ang pagkilala kay Aunor, “Pero siyempre, ang isang bagay naman ibibigay ng Panginoon sa takdang oras. Ito ngayon panahon ni Ate Guy.”
Naghayag si Nieto ng lubos na paghanga kay Aunor, “Mata pa lang umaarte na. Maski walang rehearsals, take 1 lang, ganoon siya kagaling.”
Isa sa mga pelikulang pinagbidahan ng dalawa ang “Naglalayag” kung saan kapwa pa sila tumanggap ng mga parangal bilang Best Actor at Best Actress.
“Siyempre nagpapasalamt ako sa kanya na binigyan niya ako ng pagkakataon, na iyong isang artistang ‘Yul Servo’ ay nabigyan ng pagkakataong makatambal siya sa pelikula. Maraming maraming salamat kay Nanay Guy,” aniya pa.
Nahalal si Nieto sa una niyang termino bilang vice mayor sa isang karera ng apat na kandidato, at umabot sa 400,000 ang lamang ng boto niya mula sa pinakamalapit na katunggali, ang kapwa aktor na si Raymond Bagatsing.
“Okay kami, magkaibigan kami. Magkakilala, kapag nagkikita okay, iyong respeto nandoon,” ani Nieto tungkol kay Bagatsing.
“Hindi naman masamang mangarap ng indibidwal na mamamayan na maglingkod sa bayan niya. Ginalingan naming dalawa, ginawa ang dapat gawin, nagkataon na ako ang pinili ng mas nakararami,” pagpapatuloy pa ng aktor at public servant.
Nakatanggap naman siya ng payo mula sa isa pang kapwa artistang naging lingkod-bayan, si dating Manila Mayo Isko Moreno Domagoso na nabigo sa pagtakbo sa pagkapangulo nitong Mayo.
“Lagi niyang ipinapayo sa amin, dati pa, na kailangang bumalik sa tao, umikot, magsipag, maglingkod nang tapat. Iyon ang lagi kong naririnig sa kanya, humility, inspire people, maging humble lang at trabaho lang,” sabi pa ng bise alkalde.
At sa huli nilang pag-iikot sa lungsod na magkasama noong Hunyo 29, ibinahagi ni Nieto na sinabi sa kanya ni Domagoso na “ang pinakamahirap na trabaho ng vice mayor o ng sinumang lingkod-bayan, ay iyong mapanatili mo iyong tiwala ng tao sa’yo.”
Pinalitan ni Nieto bilang vice mayor ang running-mate niyang si Honey Lacuna, na nahalal naman bilang unang babaeng alkalde ng Maynila.