PARA kay Rochelle Pangilinan hindi madali at talagang nakakapraning ang pagsabak sa mga lock-in taping kaya kailangang maging matapang at disiplinado ang buong cast at ang produksyon.
Talagang super cry ang dating leader ng Sexbomb Girls noong umalis siya ng bahay para sa taping ng Kapuso primetime series na “Lolong” na pinagbibidahan ni Ruru Madrid.
Ayon kay Rochelle, talagang takot na takot siyang lumabas ng bahay noong kasagsagan ng pandemya, lalo pa’t may anak sila ng aktor na si Arthur Solinap, si Shiloh.
Ngunit sa kabila nga nito, tinanggap ng aktres ang “Lolong” dahil naniniwala raw siya sa proyekto bukod pa sa puro mga idol niya ang makakasama sa serye, tulad nina Christopher de Leon at Jean Garcia.
“Simula nang ibigay sa akin ang show na ‘to, sa totoo lang, medyo nakakatakot siya.
“Kasi noong panahon ng pandemya, talagang nakakatakot lumabas. So sabi ko na lang, anong mangyayari? Ang dami kong tanong. Sinagot na lang akong bigla.
“Everything happens for a reason. Umiyak ako noong umalis ng bahay kasi po, may anak ako.
“Ganoon pa rin, nu’ng pag-alis ko sa taping, kahit ilang araw, ilang buwan kami, umiyak pa rin ako. Kasi minahal ko itong team na ‘to. Palagi naman akong nagmamahal,” pahayag ni Rochelle.
Inalala rin ng aktres ang mga hindi malilimutang bonding moments nila sa taping ng serye, kabilang na ang pagluluto niya para sa kanyang co-stars at production crew.
“Yun ang pagpapakita ko ng pagmamahal, ang pagluluto. Alam ko, nakuha ko yung mga tiyan niyo.
“Pero na-miss ko talaga ang grupong ito at sinabi nga ng iba sa amin, pagdating sa bahay, ‘Uy, na-miss ko sila, ah,’” aniya pa.
Nu’ng minsan nga raw silang mag-usap ng asawang si Arthur, “Sabi ng asawa ko, ‘parang mas gusto mo sa taping.’ Ha-hahaha!
“So, ganoon talaga yung nabuong bonding. Sabi rin nila, napakasuwerte po namin, napaka-blessed namin, kasi hindi rin po kami nahirapan sa mga co-actors namin.
“Kasi noong panahon ng pandemya, ang lagi mong kasama ay kung sino rin ang palagi mong katabi. Malaking tulong para sa amin, kasi wala talagang pabigat.
“Hindi kami nahirapang mag-adjust sa lahat, lalo na at hindi naman po madali ang ginawa naming eksena. Heavy drama, action and pagkatapos mong mapagod, babalik ka sa kuwarto mo, ikaw na lang mag-isa.
“So, hindi siya madali in terms of mentalidad, pisikal, whatever. Kaya ang pinakamasarap du’n, busog ka!” kuwento pa ng Kapuso actress-dancer.
Samantala, bongga ang rating at trending topic pa sa Twitter ang pagsisimula ng dambuhalang adventure-serye sa primetime na ‘Lolong’.
Marami ang namangha sa visual effects at sa action scenes ni Ruru sa first gap pa lang. Natuwa rin ang fans at viewers sa magandang kuwento at mga aral na dala ng serye.
Ayon sa Nielsen Philippines National Urban TV audience measurement overnight ratings para sa July 4, ang pilot episode ng Lolong ay nakapagtala ng combined people rating na 17.7 percent para sa pag-ere nito sa GMA at GTV.
Top trending topic din ang #LolongPremiere na pumalo sa mahigit 35,000 tweets noong Lunes ng gabi.
Winner muli ang “Lolong” nitong Martes, July 5. Patuloy rin itong pinag-uusapan sa social media platforms at trending pa nga ang #LolongElsie nitong Martes kung saan napanood na si Shaira Diaz bilang si Elsie.
Tiyak na inaabangan na ng viewers ang paglabas ng karakter ni Jean Garcia bilang si Dona—ang magiging tinik sa buhay ni Lolong bukod kay Armando at Martin na ginagampanan nina Christopher de Leon at Paul Salas.
Napapanood ang “Lolong”, gabi-gabi pagkatapos ng “24 Oras” sa GMA Telebabad.
https://bandera.inquirer.net/312660/rochelle-pangilinan-nanindigan-sa-kanyang-kandidato-isa-rin-siyang-ina-gaya-ko
https://bandera.inquirer.net/295100/first-impression-ni-rochelle-kay-arthur-babaero-at-gimikero-pero
https://bandera.inquirer.net/306139/ruru-madrid-hindi-nagpa-double-sa-lolong-lahat-ng-buwis-buhay-stunts-ako-ang-gumawa