AVESCO-PH team handa na sa Hong Kong Memory Championship

HANDANG-HANDA na ang AVESCO-Philippine Memory Team na makipagsabayan sa mga pinakamahuhusay na manlalaro ng memory sports sa mundo sa paglahok nila sa 1st Hong Kong Open Memory Championship sa Setyembre 28-29 sa Kowloon, Hong Kong.

Ang mga Pilipino ay umpisa nang nagtatatak ng marka sa memory sports kung kaya’t ang mga ito ay kinikilala bilang mga paborito sa torneyong ito.

Sa Kids division, ang pambato ng AVESCO team ay ang 12-anyos na si Jamyla Lambunao na pumangalawa overall sa Kids division ng 2012 World Memory Championship na ginanap noong Disyembre sa London.

Inaasahang hahataw din sa Juniors division sina Kian Christopher Aquino, Robert Bryan Yee at Rhojani Joy Nasiad habang sa Adult division naman ay lalahukan ng dalawang Grandmasters of Memory ng bansa na sina Mark Anthony Castañeda at Erwin Balines. Kasali rin sina Anne Bernadette Bonita, Abbygale Monderin, Axelyancy Cowan Tabernilla, Ydda Graceille Mae Habab at Robert Racasa, na magsisilbi ring coach ng koponan at head of delegation.

Ang dalawang araw na kompetisyon na ito ay paglalabanan ng 109 memory athletes mula sa 10 bansa. Naaayon din ito sa World Memory Sports Council (WMSC) national standard of competition na kinabibilangan ng Names and Faces (5 minutes), Binary Numbers (5 minutes), Random Numbers (15 minutes), Abstract Images (15 minutes), Speed Numbers (5 minutes), Historic / Future Dates (5 minutes), Playing Cards (10 minutes), Random Words (5 minutes), Spoken Numbers (100 seconds & 300 seconds) at Speed Cards.

“This is a field where Filipinos have a distinct competitive advantage,” sabi ni Racasa, na target ding makakuha ng isa pang Grandmaster of Memory norm sa Hong Kong. “The AVESCO team firmly believes that this is sport where we can reap and bring honor to our country and we promise to do our best.”

Ang AVESCO-Philippine Memory Team ay binuo ng Philippine Mind Sports Association, Inc. at sinusuportahan ng AVESCO Marketing Corporation at DREAMHAUZ Management & Development Corporation.

Read more...