Iniwan natin ang showbiz para maglingkod sa kapwa…mas naging makabuluhan ang aking buhay – Alfred Vargas

Alfred at Yasmine Vargas

HINDI naiwasan ng actor-public servant ang maging emosyonal sa kanyang speech para sa huli niyang State of the District Address (SODA) bilang 5th District Representative ng Quezon City.

Binalikan ng dating kongresista ang naging journey niya bilang legislator at ang mga nagawa niya sa tatlong termino niya sa Kongreso para sa kanyang mga constituents.

Mula raw nang iwan niya ang mundo ng showbiz para magsilbi sa mga kababayan niya sa Quezon City ay napakarami nang nagbago sa kanyang personal na buhay at sa napili niyang karera.

Kahit na ilang taon na ang lumipas, sariwa pa rin sa isip niya ang kanyang “humble beginnings” sa politima bilang “actor-turned-bagito councilor sa Quezon City Council noong 2010.

“Maayos at very promising naman ang ating buhay noon sa pelikula at telebisyon. Ngunit sa pinakamahirap na desisyon ng aking buhay noon, lahat ng ito ay ating tinalikuran dahil mas mahal natin ang ating bansa kaysa sa sarili at personal nating mga pangarap,” ang bahagi ng mensahe ni Alfred sa kanyang SODA na ginanap sa Quezon City University Auditorium.


Ipinagdiinan din niya ang kanyang  paniniwala sa kasabihang, “Bayan bago sarili.”

“Malinaw sa akin yan noon pa man. Kaya iniwan natin ang showbiz para sa paglilingkod sa kapwa. At dito nagsimulang mas maging makabuluhan ang aking buhay,” pahayag ng aktor.

Bilang councilor noon, isa sa mga nagawa niya ay ang pagpapatayo ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

At bilang first Representative ng Fifth District (14 barangay sa Novaliches) mula noong 2013, nakapagpasa na siya ng 1,256 house bills and resolutions, at 87 dito ay naisabatas na.

Dahil sa kanyang mga nagawa bilang mambabatas at public servant, binigyan siya ng Congressional Medal of Distinction sa naganap na “adjournment of the 18th Congress.”


Pahayag pa ni Alfred, “Sa kabila ng dami ng napagpunyagian natin sa Kongreso, kahit sandali ay hindi natin nagawang talikuran ang mga tungkulin para sa ating distrito.”

At ngayong nagbabalik na siya bilang miyembro ng Quezon City Council, siniguro niya sa kanyang mga constituents na lahat ng nasimulan niya ay ipagpapatuloy ng kanyang kapatid na si Representative-elect PM Vargas.

“Sa pagtatapos ng ating termino bilang kauna-unahang congressman ninyo, kampante ako na lalo nating patitibayin ang nabuo nating samahan. Nasa mabuting kamay ang ating distrito kay Congressman-elect PM Vargas,” aniya.

Pinasalamatan din niya ang kanyang pamilya kanyang huling SODA ang asawang si Yasmine at mga anak na sina Alexandra, Aryana at Cristiano.

“Sa harap ng buong Distrito ngayon, gusto kong sabihin sa inyong lahat na si Yasmine ang isa sa mga haligi ng aking pagkatao at nagbigay sa akin ng lakas nitong buong 12 years para makapaglingkod nang tapat at masigasig sa inyong lahat,” pahayag ni Alfred na maganda rin ang naging aksyon sa paglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Mensahe pa niya sa kanyang mga nasasakupan at sa lahat ng mga Filipino, “Help others along the way. Sa ganitong paraan, kung tayong lahat na mamamayan ay gagawin ito, magiging mas kaaya-aya ang ating mundo. Yan ang tatak Novalenyo.”

Sa lahat naman ng mga fans na naghihintay sa pagbabalik niya sa telebisyon at pelikula, hintayin na lang natin ang susunod na announcement ni Alfred dahil lagi naman niyang sinasabi na hinding-hindi niya tatalikuran ang pag-aartista dahil napakalaki rin ng utang na loob niya sa entertainment industry.

O, pwede ring ang mga anak na niya ang susunod na mapanood natin sa mga teleserye at pelikula.

https://bandera.inquirer.net/290951/alfred-vargas-hindi-lalayasan-ang-showbiz-acting-will-always-be-my-passion-its-my-first-love-pero

https://bandera.inquirer.net/313101/arjo-richard-lucy-ejay-vico-aiko-james-iba-pang-celebs-wagi-sa-eleksyon-2022

https://bandera.inquirer.net/313106/powers-nina-claudine-sir-chief-arci-roderick-imelda-di-umubra-sa-mga-botante

Read more...