Walang ‘lucky number’ para sa isang beterana ng beauty pageants

Chelsea Fernandez

Binibini 17 Chelsea Fernandez ng Tacloban City/ARMIN P. ADINA

MARAMI ang nagsasabing tila swerte ang hatid ng number “17” sa Binibining Pilipinas pageant sapagkat nakoronahan ang mga dilag na nagtaglay nito sa tatlong sunod-sunod na edisyon ng patimpalak.

Hinirang bilang Bb. Pilipinas International ang mga Binibini 17 na sina Maria Ahtisa Manalo noong 2018, Bea Patricia Magtanong noong 2019, at Hannah Arnold noong 2021. Walang idinaos na patimpalak noong 2020 dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19.

Ngayong taon, Binibini 17 si Chelsea Fernandez ng Tacloban City, na pinaniniwalalan ng marami na magtutuloy sa swerteng taglay ng naturang bilang sa pangunahing pageant ng Pilipinas. Subalit para sa beterana ng mga beauty contest, hindi siya ipapanalo ng taglay niyang bilang.

“What would really make me win are definitely my characteristics. I believe my advocacy, my beauty, my brain, and my confidence will really make me win one of the crowns. Number 17, it is just a bonus that I got it,” sinabi ni Fernandez sa isang pagtitipong ipinatawag ng health and wellness company na ProMedia sa Luxent Hotel sa Quezon City noong Hunyo 26.

Isa siya sa anim na “beauty athlete” na hinuhubog ng kumpanya para sa 2022 Bb. Pilipinas pageant.

Napukaw ni Fernandez ang pansin ng kumpanya nang masungkit niya ang korona bilang 2020 Miss Bikini Philippines sa isinagawang virtual competition ng ProMedia, isa lang sa maraming titulong napanalunan na niya at ang pangalawang online contest na pinangunahan niya, una na ang Miss GCQ.

Hinirang siyang Miss Philippines Water sa 2019 Miss Philippines Earth pageant, at pinatid ang sunod-sunod na pamamayagpag ng Cebu sa Reyna ng Aliwan contest nang makuha niya ang korona noong 2018.

Bilang isa sa mga kilala nang mga mukha sa hanay ng mga kandidata, itinuturing din si Fernandez na isa sa mga frontrunner para sa apat na korona ng Bb. Pilipinas.

“There is pressure, people are expecting you to do well in the competition. But because of that I feel so motivated, and inspired to do something better this competition,” aniya.

“But one thing is for sure, I will make you all proud,” hinayag ni Fernandez.

Maliban sa mga korona niya, isa pang sandata ni Fernandez and karanasan niya bilang national director ng 2021 Miss FIT (Face, Intelligence, Toned physique) Philippines pageant.

Makikipagtagisan si Fernandez sa 39 iba pang kalahok para sa apat na korona—Bb. Pilipinas International, Bb. Pilipinas Intercontinental, Bb. Pilipinas Globe, at Bb. Pilipinas Grand International.

Hihirangin ang mga bagong reyna sa isang palatuntunan sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 31.

Read more...