ISA si Senator-elect Robin Padilla sa mga sumalang sa legislative seminar ng Senado kasama ang mga kapwa bagong-halal na senador na sina Mark Villar at JV Ejercito.
Ayon kay Robin, tuluy-tuloy ang pag-aaral niya at wala siyang inaaksayang oras kaya muli siyang siyang sumalang sa orientation.
“Wala po tayong inaaksayang oras, umaga, tanghali, gabi kahit sa panaginip kailangan po tuluy-tuloy ‘yung ating pag-aaral. Wala pong katapusang pag-aaral itong senado,” ayon sa panayam niya sa “TV Patrol” nitong Martes.
Type ni Sen. Padilla na mapasama bilang isa sa miyembro ng Commission on Appointment o CA.
“Kung mag-a-apply ako, doon (CA) ko gusto dahil ‘yan ang natutunan ko sa Bilibid ang kumilatis ng tao,” rason ng aktor-public servant.
Nabanggit ito ni Padilla dahil gusto niyang kilatising mabuti ang mga bagong halal na hepe sa bawa’t ahensiya ng gobyerno sa pagpasok ng administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos, Jr..
Sa Facebook Live ni Sen. Robin nitong Martes ng umaga ay hiningan siya ng reaksyon ng media tungkol sa mga opisyales ng gobyerno na sangkot sa korupsyon at nabanggit niyang kailangan nilang magbitiw sa kani-kanilang tungkulin.
May nagsabi naman na kailangang tanggalin na rin sila o palitan.
Balik-tanong Robin, “Bakit tanggalin lang? Alam niyo ang tinuro po sa akin ng Development Academy of the Philippines, dito sa ating bayan kulang sa accountability ‘yung ating mga nakaposisyon sa gobyerno. Hindi puwedeng puro sorry.
“Kayo ay nanumpa sa harapan ng Panginoong Diyos at nanumpa sa harapan ng taumbayan na kayo ay magsisilbi at poproteksyunan ninyo ang sambayanang Pilipino tapos kayo ang mag-uumpisa ng kalokohan? Aba’y heinous crime para sa akin ‘yan,” diin niya.
Sa sinasabing kailangang magbitiw na sa tungkulin ang mga sangkot sa ilegal na gawain ay opinyon ng bagong upong senador.
“Sa akin pong palagay, kung sino man po talaga ang mapapatunayan diyan, unang-una, mag-resign ka.
“Dapat uso na sa Pilipinas ‘yung ganyan, ‘yung resignation. Sana magkaroon na tayo ng ganu’n delicadeza. Pag naimbestigahan ka kasi dito nakakapit pa rin doon sa posisyon niya!” katwiran pa ni Sen. Padilla.
Napag-usapan din ang pag-i-import natin ng bigas at isda na para kay Robin ay nakakatawa dahil mayroong mahigit na pitong libong isla ang Pilipinas.
Para sa iba pang topic na napag-usapan ay maaring mapanood ito sa Facebook account ni Sen. Robin Padilla.
https://bandera.inquirer.net/314086/karen-davila-sa-pagtigil-ni-robin-padilla-sa-pag-aartista-good-move-senator
https://bandera.inquirer.net/310600/jv-ejercito-hindi-pinangarap-mag-artista-mga-taga-showbiz-makikinabang-din-sa-universal-healthcare-law
https://bandera.inquirer.net/312693/tulfo-eleazar-del-rosario-sanib-pwersa-sa-kampanya-lagot-lahat-ng-luku-luko