KUNG wala nang naging problema, nasa South Korea na ngayon ang mga Kapuso stars na maglalaban-laban sa biggest reality-game show na “Running Man Philippines.”
Siguradong enjoy na enjoy na ngayon sina Mikael Daez, Glaiza De Castro, Ruru Madrid, Buboy Villar, Lexi Gonzales, Kokoy de Santos at Angel Guardian sa mga bonggang ganap nila sa Korea kung saan kukunan ang buong season ng “Running Man Philippines.”
Bago umalis ng bansa ang grupo, nakachikahan muna ng ilang members ng entertainment media ang cast ng “RMP” (na isang original concept mula sa Korea).
Kanya-kanya silang kuwento kung paano nila kakaririn ang haharaping mga challenges na ipagagawa sa kanila ng production at ano ang magiging game play nila para makuha ang titulong “Running Man Philippines” grand champion.
Kasunod nito, naikuwento naman ng Kapuso actor na si Kokoy de Santos sa isang hiwalay na panay ang tungkol sa co-star nila sa show na si Angel Guardian.
Ayon kay Kokoy, tuwang-tuwa siya nang malamang nakapasok din ang dalaga bilang isa sa mga contestants ng “RMP.”
“Actually nung nalaman ko si Angel ‘yun, sabi ko, ‘Wow, wow!’ Kasi, ewan ko kung nasabi niya ‘to sa press, pero Angel, kung mabasa mo o mapanood mo ‘to, sorry,” pahayag ng binata sa “Kapuso Showbiz News.”
Nabanggit ni Kokoy na balak na sanang mag-quit ni Angel sa showbiz nang magkakuwentuhan sila noon sa taping ng “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.”
“Kasi kami before sa Pepito Manaloto, kami-kaming mga cast, nagkakaroon siyempre ng heart-to-heart na mga chikahan minsan. Ang sabi niya, nabanggit niya at some point, gusto niya rin mag-stop na sa showbiz.
“Kasi feeling niya, ‘yung personality niya talaga. Hindi niya alam kung paano niya ilulugar ‘yung sarili niya, kasi may pagka-introvert ‘yung tao.
“And siyempre, kapag nasa industriya ka, siyempre minsan kailangan mo ‘yung kung ano ‘yung personality mo minsan itataas mo pa, kasi iba talaga sa showbiz.
“I’m very happy na nandito rin siya sa project na ‘to, kasi feeling ko hindi ito arte kasi e, I mean, hindi ka aarte. Ikaw ‘to, ilalabas mo kung sino ka talaga. So happy ako na makakasama ko rin dito si Angel,” dire-diretsong pahayag ni Kokoy.
Pag-amin pa ng aktor, kahit siya ay nabigla nang mapili siya ng mga bossing ng GMA para maging bahagi ng “Running Man Philippines.”
“Actually, ‘yun din ‘yung inisip ko noong una e. Ako, hindi naman sa kinu-question ko ‘yung sarili ko, ‘Bakit kaya ako napasali?’
“Kasi, feeling ko ang daming deserve din. Deserving na artista, na public figure, para doon sa spot ko. Pero, at the same time, iniisip ko blessing ‘to and nagtiwala ‘yung team, ‘yung production,” aniya pa.
Feeling blessed at thankful din siya na magkakaroon siya ng chance na makasama at maka-bonding ang co-stars niya sa “RMP” kahit pa magiging magkakalaban sila sa programa.
“Nu’ng na-meet ko na at nalaman ko kung sino ‘yung mga makakasama ko, may ano sa akin, ‘Ah! Gusto nila na something na parang magkakaiba talaga kami ng personalities.’
“Iba ‘yung feeling, siyempre kasama natin si Mikael. Ang tagal na rin yan sa industriya, ang dami ng napatunayan nitong taong ito. Talagang lodi kumbaga. Glaiza, isa pa yan, si Ruru, si Lexi.
“Kumbaga, ‘yung iba rito first time ko sila makakasama, makakatrabaho, pero ‘yung mga iba naka-work ko na rin before. Exciting, exciting actually. Mas nakikilala ko sila everytime na nagkakaroon kami ng mga events, kahit pa virtually lang,” pahayag pa ng komedyante.
https://bandera.inquirer.net/307185/kokoy-na-challenge-sa-pagganap-bilang-aga-casidsid-sa-mpk-grabe-yung-hirap-na-dinanas-ko
https://bandera.inquirer.net/314498/relasyong-elijah-miles-last-year-pa-amin-ng-aktor-nagki-keep-lang-po-ng-privacy
https://bandera.inquirer.net/289618/kokoy-elijah-may-chance-magkagustuhan-in-real-life