Payo ni Ogie Diaz kay Dennis Padilla bilang tatay: Ipahinga muna niya ang socmed, ‘wag siya doon manawagan

Ogie Diaz at Dennis Padilla

BILANG isang ama na miyembro ng LGBTQIA+ community, tanggap na tanggap si Ogie Diaz ng lima niyang anak pati na ng partner niyang si Georgette.

Walang maririnig na reklamo mula sa kanyang pamilya kaya sigurado kami na isang mabuting padre de pamilya ang talent manager at vlogger.

Bukas na libro sa publiko ang buhay ni Ogie kasama ang pamilya niya kaya naman maraming magulang ang humahanga sa kanya kung paano niya hina-handle ang pagiging ama at partner ni Georgette.

Isa ang talent manager at content creator sa nalulungkot sa nangyari sa aktor na si Dennis Padilla dahil sa open letter ng anak nitong si Leon Barretto na idinaan din sa social media.

Sa unang pagkakataon ay naglabas ng saloobin niya ang nag-iisang anak na lalaki ni Dennis kay Marjorie Barretto kaya big deal ito sa lahat at tagos sa puso ang bawa’t salitang binitiwan nito.

Sa kanyang Facebook account ngayong gabi ay pinayuhan ni Ogie ang kaibigang si Dennis. Aniya, “Yung totoo? Nalulungkot ako sa nangyayari kay Dennis Padilla at sa kanyang mga anak.

“Hindi ko maimadyin na mangyayari sa amin yan ng mga anak ko. At kung mangyari man, magri-reach out talaga ako. Pero pag ayaw akong papasukin ng mga anak ko, hahayaan ko.

“Hello! Bata pa lang ako, pinanday na ako ng mga rejections sa buhay. Hindi ko inaasam, pero pag dumarating ang rejections, nalulungkot lang ako sa una, pero ang aga ng acceptance ko. Kaya madali rin akong mag-move on.

“’Yung kina Dennis at sa mga anak, payo ko kay Dennis, ipahinga muna niya ang socmed. ‘Wag siya doon manawagan. Pilitin pa rin niyang humingi ng dialogue privately.


“Pag ayaw ng mga bata o hindi pa handa ang mga ito dahil mabigat ang kasalanang nagawa niya, hayaan muna niya. Maghihilom din naman yan.

“Tatay ka, eh. Ikaw na lang mag-adjust sa mga anak mo kung mahal mo talaga sila. Pare-pareho lang naman kayong nangungulila sa love ng isa’t isa, pero kung hindi pa ngayon ang panahon, hintayin mo. Mangyayari rin ang gusto mo.

“Kaso nga lang, hindi tayo si Dennis. Hindi ko rin alam ang history ng tampuhan o galit nila. Damdamin ‘yan ni Dennis, damdamin ‘yan ng mga anak niya. Hindi natin damdamin.

“Nakikisawsaw lang tayo. Nakiki-Marites. Hindi naman tayo kaanu-ano ni Dennis o ng mga Barretto, pero kung makapag-judge yung iba, parang may ambag sa buhay ng mga sangkot sa kwento.

“Pero kung ako si Dennis, ‘wag na nga muna siyang magbubuhos ng hinaing sa socmed. Naba-bash ang mga anak niya. Maging siya ay bina-bash din. Kawawa lahat sila.

“At kung ako si Dennis, kahit nandu’n ‘yung feeling niya na ini-ignore siya ng mga anak niya, ‘wag na muna siyang magsumbong sa social media, awat muna.

“Tayong mga ama, poprotektahan natin ang ating mga anak kahit nabubuwisit tayo, nagagalit tayo, nagtatampo tayo sa kanila. Kasi nga, tatay tayo, eh. Ganun natin sila kamahal kahit di pa nila yon suklian.

“’Wag nating kalilimutang tayo ang pader nila kahit ngawit na ngawit na tayo sa kasasandal nila.

“O kung minsan, kasusuntok nila,” aniya pa.

https://bandera.inquirer.net/285716/dennis-kay-gerald-mas-maipakikita-mong-mahal-mo-si-julia-kung-irerespeto-mo-yung-tatay-niya

https://bandera.inquirer.net/315526/albie-casino-hindi-itinututing-na-kapansanan-ang-adhd-proud-na-proud-sa-biyak

https://bandera.inquirer.net/286925/alden-kay-jasmine-sabi-ko-ang-sarap-namang-makasama-nito-bilang-partner-dream-come-true

Read more...