WALANG mangyayaring “historical revisionism” sa kontrobersyal na pelikulang “Maid In Malacañang” ng Viva Films mula sa direksyon ni Darryl Yap.
Ito ang ipinagdiinan ni Sen. Imee Marcos patungkol sa kuwento ng huling tatlong araw ng paninirahan ng kanilang pamilya sa Malacañang Palace noong February, 1986.
Mapapanood sa pelikula ang pag-alis sa Malacañang ng pamilya Marcos sa gitna ng makasaysayan EDSA People Power Revolution na siya ring naging katapusan ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na tumagal ng dalawang dekada.
Bibida sa “Maid In Malacañang” sina Cesar Montano (Ferdinand Marcos, Sr.), Ruffa Gutierrez (Imelda Marcos), Diego Loyzaga (Bongbong Marcos, Jr.), Cristine Reyes (Imee Marcos), Ella Cruz (Irene Marcos).
Ang gaganap naman bilang mga “maid” sa Palasyo ay sina Karla Estrada, Beverly Salviejo, at Elizabeth Oropesa.
Paliwanag ni Sen. Imee, “Sa isipan namin, for me at sa aking pamilya, panahon na para magkuwento rin kami kung anong nangyari sa Malacañang, yung nalalaman namin.
“Hindi natin binabago ang katotohanan. Dinadagdagan lamang ng kaalaman namin,” sabi pa ng senadora online presscon ng “Maid In Malacañang” last Saturday, June 25.
Ayon kay Direk Darryl, ang kuwento ng bago niyang movie ay mula sa point of view ng mga kasambahay ng mga Marcos kaya bagung-bago ito at malamang sa malamang ay hindi pa raw alam ng publiko.
Kaya naman ayon kay Sen. Imee, karapatan ng lahat ng Filipino na malaman ang panig ng kanilang pamilya sa ilang national issue na kinasasangkutan nila.
“Ito ay kuwento lamang na nalalaman namin from our point of view. Wala kaming binabago sa sinasabi nila. Nilalahad lang namin yung alam namin.
“We’re not revising anything. It’s totally inaccurate to say that. We’re simply explaining in this film, to some degree, kung ano yung mga pangyayari nung huling tatlong araw.
“At palagay ko, may karapatan naman ang Pilipino, ang sambayanan na malaman kung anong nangyayari sa loob ng palasyo nung mga panahon na yun,” paliwanag niya.
Marami ang nagkomento na posibleng ibahin na raw ng produksyon ang naging kuwento o kasaysayan sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Palasyo kaya hindi rin ito magiging makatotohanan sa mata ng publiko.
Matatandaang nagsalita si Sen. Imee sa isang panayam na sa pagbabalik ng kanilang pamilya sa Malacañang (ngayong nahalal na bilang bagong pangulo si Bongbong Marcos), umaasa ang kanyang pamilya na malilinis na rin kahit paano ang pangalan ng kanilang yumaong ama.
“The return to Malacañang, galing na kami doon, e, kung tutuusin hindi masyadong mahalaga yung pagbabalik sa Palasyo.
“What’s most important to us is, of course, our name, the family name that has become so controversial, and so difficult at times to bear. The legacy of my father is what we hope will be clarified at last,” pahayag ng senadora.
Ngayong araw magsisimula ang lock-in shooting ng “Maid In Malacañang.”
https://bandera.inquirer.net/314893/karen-davila-napikon-nga-ba-nang-sabihan-ni-imee-marcos-ng-akala-ko-magma-migrate-ka-pag-nanalo-ang-marcos
https://bandera.inquirer.net/316053/diego-loyzaga-parang-naka-jackpot-sa-pagganap-bilang-bongbong-marcos-tawagin-niyo-rin-po-akong-loyalist
https://bandera.inquirer.net/315693/cristine-reyes-ella-cruz-bibida-rin-sa-pelikulang-maid-in-malacanang