Mommy Caring todo-iyak nang malaman ang pinagdaanang depresyon at anxiety ni Ice Seguerra

Caring Seguerra, Rodrigo Duterte, Ice Seguerra at Liza Dino

“MASAYA ako na nakikipag-usap na siya, hayan bumati na sa inyo, sobrang saya ko kasi hindi siya ganyan before.”

Ang masayang sabi ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Dino tungkol sa asawa niyang si Ice Seguerra.

Naganap ang tsikahan namin kasama ang iba pang media friends sa cast party (ginanap sa Rue Bourbon Bar and Restaurant, Ortigas) pagkatapos ng Healthy Pilipinas Short Film Festival na ginanap sa Shangri-La Plaza Red Carpet Cinema 1 nitong Biyernes.

Isa sa featured film ang “Dito Ka Lang” documentary ni Ice na tumatalakay sa pinagdaanan niyang depression noong kasagsagan ng pandemya na hindi pa alam ng publiko.

At nang handa nang pag-usapan ito ng singer-songwriter ay ginawa niya itong documentary katuwang ang asawang si Ms. Liza.

“First time siyang (Ice) nag-open in public kaya kailangan nandoon ako kasi minsan hindi naiintindihan ng crew na bakit hirap siyang sabihin na ‘halika tabihan mo ako.’

“Sa taong depressed ang hirap sabihin no’n, hirap silang humingi ng tulong kasi feeling nila hindi sila naiintindihan. Tapos ayaw nilang nadya-judge kasi pag sinabi nilang ‘ayaw kitang kausap,’ (sasabihin), ‘Ah ayaw mo akong kausap?’ Ang ibig nilang sabihin kasi hindi nila alam kung paano ipoproseso ‘yung nararamdaman nila,” pahayag ng chairperson ng FDCP.

Aminado rin si Ms. Liza na sa panahong nangyayari ito kay Ice ay may sarili rin siyang pinagdaraanan dahil bilang hepe ng ahensiya ng gobyerno ay kailangan din niyang asikasuhin ‘yung mga protocols noon sa entertainment industry at coordination para sa pagpapabakuna sa mga taga-industriya ng pelikula at telebisyon.

Hindi rin kinaya ito noon ng chairperson ng FDCP kaya kapag gising daw noon si Ice ay inilalabas niya ang kanyang mga sama ng loob lalo na kapag may mga nababasa siyang hindi maganda na hindi siya naiintindihan.

“Siyempre na-absorb niya (Ice) rin ‘yun. Wala naman akong ibang masabihan,” sambit ni Liza.


Nabanggit pa na kapag may depression ang isang tao ay hindi na pala ito nawawala dahil dala-dala mo na ito habang buhay ka.  Mawawala lang ito pansamantala kapag nama-manage ng may katawan.

Wala ring nakakaalam na depressed ang isang tao dahil normal siyang kumikilos, hindi niya ito ipinakikita o ipinararamdam sa pamilya niya o mga kaibigan.

Sakto rin ang paliwanag na ito ni Ms. Liza sa tema ng isa pang pelikula sa Healthy Pilipinas filmfest, ang “Life on Moon” na idinirek ni Sheron Dayoc.

“Iba-iba ang mukha ng depression, for example nagpakamatay si Robin Williams, lahat tayo shocked, di ba?  Nakakatawa siyang tao, pero di ba?

“Natutuwa ako sa pinag-uusapan natin ngayon kasi kailangan (maging aware lahat) kung ano ba talaga ang mukha ng depression.

“At kapag may ganyan ang tao, sasabihin ng iba, ‘Naku drama lang ‘yan! ‘ Though may mga nalulungkot lang talaga, pero kapag nakikita mong chronic na (iba na).

“Like si Ice may times na malamig ang kamay niya, nanginginig siya (that’s) anxiety attack kaya alam mo na,” paliwanag pa niya sa amin.

At dito inamin ng partner ni Ice na tumodo ng iyak ang inang si Mommy Caring Seguerra pagkatapos nitong mapanood ang unang pelikulang idinirek ng anak.

Sabi ni Ms. Liza, “Grabe ang iyak ni Mommy Caring kanina kasi parang sinabi niya kay Ice na may ganu’n pala siyang pinagdaraanan.”

Kumusta na ang magaling na mang-aawit ngayon, “Okay siya ngayon, kanina sobrang sakit ng tummy niya, pero dahil sa kaba naman ‘yun. Minsan may times na ayaw niyang makipag-usap sa tao, kaya kapag nakikipag-usap siya sa inyo, ang saya ko.”

Naikuwento rin na noong namatay ang ama ni Ice ay siya lahat ang nag-asikaso, “Hindi mo siya makikitaan ng luha as in pero nu’ng inilagay na si daddy sa crematory doon na bumigay.”

Dagdag pa, “Yung meds na iniinom mo, minsan kailangan mo. It helps you, sa calmness. Pero si Ice pag uminom ganyan lang siya (steady) hindi siya depress, hindi siya high, hindi rin siya masaya kaya ang nakakalungkot do’n wala siyang nararamdaman.

“Kaya nakakaiyak nu’ng shinare niya ‘yung suicidal thoughs, last year ‘yun, eh. Sinabihan niya ‘yung friend namin na ganu’n nga.

“Usually di ba sasabihin natin, ‘paano naman kami, paano naman ako, no!’ Dapat tatanungin mo, ‘what are you thinking, what are your thoughts?’ Kasi kailangan mong maniwala kung ano rin ‘yung pinagdadaanan niya.

“Siyempre ang default no’n na, ‘hindi mo ba inisip tayo na iiwanan mo ako?’ Hindi mo puwedeng sabihin ‘yun. Kasi kapag nag iisip ka na gusto mong gawin ‘yun (suicide) hindi mo iniisip ang ibang tao. Ang iniisip mo lang gusto mo ng tapusin kasi hindi mo na kaya.”

Isa rin kasi sa dahilan kaya nakaramdam ng ganu’n si Ice ay dahil sa edad na tatlo ay nagtatrabaho na at nakasanayan na niya ito bilang breadwinner ng pamilya.

At dahil sa pandemic ay nagsara ang entertainment industry kaya maraming nawalan ng trabaho at isa ito sa inisip-isip din ng mang-aawit, kung paano bubuhayin ang magulang at ang pamilya nila ni Ms. Liza kasama ang anak nilang si Amara.

Hindi lang si Ice ang may ganitong kaso dahil mismong sa staff din ni Ms. Liza sa FDCP ay may mga ganitong kaso rin ng mental health, good thing ay na-manage naman ang lahat at nagkakatulungan.

https://bandera.inquirer.net/306317/liza-dino-sa-viral-dibdib-photo-ni-jake-zyrus-kung-yun-ang-magpapasaya-sa-kanya-suportahan-natin-siya

https://bandera.inquirer.net/315863/ice-seguerra-pinag-iipunan-ang-pagpapatanggal-ng-dibdib-saludo-sa-katapangan-ni-jake-zyrus

https://bandera.inquirer.net/316475/pangarap-ni-ice-seguerra-na-makapagdirek-natupad-na-sa-totoo-lang-akala-ko-hindi-na-magkakatotoo

Read more...