PORMAL nang inilunsad ng ABS-CBN ang “Darna” mural na nagpapahalaga sa kabayanihan ng bawat tao at naghahatid ng pag-asa na inalay nito sa mga frontliner at iba pang maituturing na bagong bayani.
Ang lead star ng pinaka-inaabangang serye na “Mars Ravelo’s Darna” na si Jane de Leon ang nanguna sa ginawang unveiling sa ABS-CBN Compound sa Eugenio Lopez Drive sa Quezon City.
Aniya, “Handog namin ito sa ating real-life heroes na kahit sa maliit na paraan ay naipapakita nila na tayong lahat ay nagtataglay ng kabayanihan, patunay lang na mahahanap natin lagi sa Darna sa bawat isa.”
Kasama rin ni Jane ang iba pang “Darna” stars na sina Janella Salvador at Joshua Garcia sa naganap na special tribute.
Ang visual artist na si Anina Rubio na kilala sa kanyang artworks na tungkol sa ganda ng kalikasan ang nagdisensyo ng higanteng mural tampok ang mga ordinaryong tao na nagtataglay ng sagisag ni Darna.
May temang “Ikaw, ako, tayong lahat si Darna” ang mural na naglalarawan na ang bawat tao ay may kani-kaniyang “kabayanihan” at paraan upang maghatid ng pag-asa at positibong pananaw sa kabila ng hirap at kaguluhang tinatamasa.
Kinomisyon ito ng ABS-CBN kaugnay ng makabagong paghahatid ng kwento ng iconic Pinay superhero na si Darna, na muling maglalakbay, tutulong, at makikipaglaban laban sa kasamaan.
Pinangungunahan ng master director na si Chito Roño kasama si Direk Avel Sunpongco sa ilalim ng JRB Creative Production unit ng ABS-CBN ang programang “Darna” na malapit nang mapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, at iWantTFC.
Sa isang panayam, sinabi ni Jane na binigyan siya ng advice ni Angel Locsin na isa sa mga pinakasikat na Darna, “May mga ibinigay siya sa aking mga tips, siyempre kailangan ko talagang maging handa physically and ready dapat ako anytime.
“Sabi niya sa akin kapag pagod ako, sabihin ko lang daw talaga na I need to take a rest,” aniya.
“Nag-fitting na po ako and nasuot ko na rin po ‘yung costume, surprise po ‘yan. Yung headdress pagkasuot po sa ’kin, mangiyak-ngiyak na po talaga ako, umiyak po talaga ako.
“After ilang years, 2019 po kasi ako in-announce and nasukat ko ‘yung costume last year. Parang doon lang po talaga sa akin nag-sink in na, this is it,” sabi ni Jane.
https://bandera.inquirer.net/315103/jane-de-leon-handang-handa-nang-makipagbakbakan-kay-janella-salvador-sa-darna-magtutuos-na-kami
https://bandera.inquirer.net/286933/bayani-niregaluhan-ng-mga-sapatos-ni-mega-na-nagkakahalaga-ng-mahigit-p130k
https://bandera.inquirer.net/289942/banta-ng-misis-ni-bayani-sa-katrabaho-ni-mister-watch-mo-yung-words-mo-na-pakuya-kuya-parang-di-na-ako-naniniwala