Juday sa pagiging host ng ‘Magandang Buhay’: Nakakaloka! Kinakabahan ako, ano ba yan?!

Melai Cantiveros, Judy Ann Santos at Jolina Magdangal

DIRETSAHANG inamin ng Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos na inatake siya ng matinding nerbiyos nang muling sumabak sa isang live show sa telebisyon.

Makaraan nga ang mahigit isang taon, nagbabalik-eksena si Juday sa bilang guest co-host ng morning show sa ABS-CBN na “Magandang Buhay.”

Kanina, mainit at excited na sinalubong si Juday ng mga regular hosts ng show na sina Melai Cantiveros at Jolina Magdangal.

Simulang pagbati ng misis ni Ryan Agoncillo sa mga kasamahan sa show at sa mga manonood, “Nakakaloka, first live show ko ito, kinakabahan ako. Ano ba yan?”

Hirit pa niya, “Pasensiya na parang gusto kong mag-wish kasi first time ko ulit na magka-live show. Nakakaloka ito!”

Kung hindi kami nagkakamali, huling napanood ang award-winning actress sa public service program ng ABS-CBN na “Paano Kita Mapapasalamatan” na nagtapos noong June, 2021.

Pahayag pa ni Juday, “It’s been one year, Momshie Jols, na lumabas ako sa telebisyon and it’s always a good feeling to be back, especially here at the ABS-CBN compound.

“Napaka-familiar ng pakiramdam na makita ko kayong lahat ulit. Familiar faces. Thank you very much for this opportunity dahil talaga namang happing happy ang puso ko,” lahad ni Juday.

Ayon kay Jolens, talagang matagal na niyang wish na makasama sa “Magandang Buhay” si Juday na aniya’y isa sa mga itinuturing na niyang parang pamilya sa showbiz. Nagkasama sila noon sa youth-oriented show na “Gimik.”


Sey naman ni Melai, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na co-host na nila si Judy Ann na tinawag pa niyang isa sa mga “showbiz legends.”

Super thank you din sina Jolina at Melai kay Juday dahil pumayag itong maging bahagi ng “Magandang Buhay” bilang kahalili nina Regine Velasquez at Karla Estrada.

https://bandera.inquirer.net/315616/judy-ann-magbabalik-telebisyon-na-papalitan-si-regine-sa-magandang-buhay

https://bandera.inquirer.net/305730/juday-ipinagdasal-ang-pagdating-ni-ryan-ito-pala-yung-feeling-na-niyayaya-kang-mag-date-dinadalaw-ka-sa-set

https://bandera.inquirer.net/304538/regine-nakarating-sa-abs-cbn-nang-nakatsinelas-nakakaloka

Read more...