ALIW na aliw kami sa isang video na kumalat sa social media kung saan nakipagkulitan at nakipagbiruan si Paulo Avelino sa mga fans nila ni Janine Gutierrez.
In fairness, ang sipag-sipag mag-mall tour ng rumored couple para sa promo ng kanilang pelikulang “Ngayon Kaya” mula sa T-Rex Entertainment.
Ang nasabing pelikula na idinirek ni Prime Cruz, na siya ring nasa likod ng mga hit movies tulad ng “Isa Pa With Feelings,” Can We Still Be Friends” at “Sleepless,” ay ipalalabas na sa mga sinehan simula bukas, June 22.
Sinasabing ito ang “first Filipino film to be commercially released in the #NewNormal.”
Kaya naman todo-promote talaga sina Paulo at Janine para mas maging aware ang mga manonood about their new project together after ng kanilang TV series na “Marry Me Marry You” sa ABS-CBN.
At sa isa ngang mall tour na ginawa ni Paulo, game na game siyang nakipagpiktyuran sa audience na bihira nga niyang gawin kapag meron siyang bagong project na ipino-promote.
As in talagang nilapitan pa ng binata ang mga fans at ang mga nagsa-shopping sa mall na nanood sa kanila at kinuha ang hawak na mga cellphone. Kasunod nito, nagkunwari nga siyang ibinubulsa ang mga telepono.
Maririnig ang aktor sa video na na-post sa Facebook na nagsasabing, “Salamat po sa mga cellphone na inabot sakin. Napakagalante ng mga tao sa Trinoma.” Sa caption nito ay may kalakip na laughing-with-tears emoji.
Sa ngayon, milyun-milyong views at comments na ang nahamig nito mula sa mga netizens.
Ilan sa mga komento na nabasa namin ay ginamit pa ang karakter ni Paulo sa isa niyang historical movie.
“Na GOYO na naman po tayo sa itsura n’ya.”
“Literal na GOYO.”
“Goyo!!!! Bagay kayo ni Janine! Pero isoli mo na phone namin! Hahahaha!”
Ang “Ngayon Kaya” ay tungkol sa magkaklase na sina Harold (Paulo) at AM (Janine) na naging close dahil sa hilig nila sa musika. Naging magkaibigan nu’ng una hanggang sa magka-ibigan.
Pero hindi naging madali para sa kanila ang aminin sa isa’t isa ang tunay na nararamdaman dahil sa ilang personal na issue. Hanggang sa magkahiwalay nang tuluyan after college.
At nang muling magkita sa kasal ng kanilang kaibigan, dito na nila sinariwa at inalala ang kanilang nakaraan. Ang tanong, maamin na kaya nila sa harapan ng bawat isa ang tunay nilang feelings? Yan ang dapat n’yong alamin.
Samantala, may pakiusap naman si Paulo sa madlang pipol ngayong bukas na uli ang mga sinehan, “Sana, bigyan n’yo ng pagkakataon ang mga local films na lumabas at mapanood natin lahat, dahil mahirap gumawa ng pelikula lalo locally.
“With all these foreign blockbusters coming in, medyo mahirap din makipag-compete ang isang local na pelikula.
“Pero kung mapagbibigyan po ito na maging simula at maging okay ang pagpapalabas nitong Ngayon Kaya sa Pilipinas, maeenganyo po nito ang iba’t ibang filmmakers and producers na gumawa muli ng pelikula at ipalabas muli sa mga sinehan.
“Sana po suportahan po pelikulang Pilipino para mas marami pa po tayong magagawa na de kalidad na pelikula para po sa inyo,” aniya pa.
https://bandera.inquirer.net/303711/paulo-diretsahang-tinanong-si-janine-type-mo-raw-ba-ako-jojowain-o-totropahin
https://bandera.inquirer.net/291328/paulo-ipinakulam-daw-ng-galit-na-fan-parang-hindi-naman-effective
https://bandera.inquirer.net/290963/paulo-sa-muling-pagsabak-sa-lock-in-taping-pinakamahirap-na-part-yung-naho-homesick-ka