India wagi sa Man of the World pageant; Philippines 2nd runner-up

Man of the World pageant winners

SA unang pagkakataon, nasungkit ng India ang titulo bilang Man of the World nang daigin ni Aditya Khurana ang 21 iba pang kalahok sa patimpalak na idinaos sa Baguio Convention Center noong Hunyo 18 ng gabi at nagtapos madaling-araw na ng Hunyo 19.

Nauna na siyang hinirang bilang Sine Cordillera Film Ambassador.

Pumangalawa naman ang paborito ng maraming si Vladimir Grand mula Ukraine, na hinirang din bilang Mister Multimedia, Most Photogenic, Be Unrivaled Productions Ambassador, at “Pre arrival Favorite.” Pumangalawa rin siya sa botohan para sa “Press Favorite.”

Nabigo ang pambato ng Pilipinas na si Nadim Elzein na maibigay sa bansa ang una nitong panalo sa Man of the World, at nagtapos bilang second runner-up.

Ibinoto naman siya ng mga kapwa kandidato bilang Mister Congeniality at tabla kay Francis Cervantes ng Espanya bilang Best in National Costume.

Nauna nang hinirang si Elzein bilang Press Favorite, at pumangatlo naman siya sa pilian sa Pre-arrival Favorite.

Isa pang paboritong kandidato ang hinirang na third runner-up, si Tjardo Vollema ng Netherlands na siya ring Best in Formal Wear, Holiday Inn Express Man of Travel, at pangatlo sa botohan para sa Press Favorite.

Binuo naman ni Nguyen Huu Anh ng Vietnam and Top 5. Hinirang din siyang Best in Bahag.

Nauna nang binatikos ng ilang mga taga-Cordillera at mga Igorot ang mali umanong pagsusuot ng bahag ng mga kalahok ng patimpalak.

Pinagpaliwanag din ng National Commission on Indigenous Peoples sa Cordillera Administrative Region ang prodyuser ng patimpalak ngayong taon na Ray-Casa Group kaugnay ng mga reklamo.


Sinabi naman ng Ray-Casa na binubuo sila ng mga taga-Cordillera at doon din matatagpuan ang kanilang tanggapan. Kumonsulta umano sila sa mga may kaalaman tungkol sa paggamit ng bahag bilang panlangoy, at nagpakita pa ng mga lumang larawan ng mga katutubong nagpulupot ng mahahabang bahagi ng bahag at inipit sa tagiliran, katulad ng ginawa ng karamihan sa mga kalahok.

Ang Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation ang organayser ng Man of the World pageant. Sila rin ang nagdaraos ng taunang Misters of Filipinas competition.

Walang idinaos na mga pandaigdigang patimpalak noong 2020 at 2021 dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19. Ang katatapos na kumpetisyon ang ika-apat na edisyon ng paligsahan. Wala pang Pilipinong nananalo sa ngayon.
https://bandera.inquirer.net/300334/indian-model-actress-na-si-harnaaz-sandhu-waging-2021-miss-universe

https://bandera.inquirer.net/299908/jay-r-jake-zyrus-pinakilig-ang-mga-fil-am-nangharana-sa-miss-philippines-usa-2021
https://bandera.inquirer.net/284728/naranasan-ko-na-pong-parang-kinalaban-ako-ng-buong-mundo

Read more...