ORCULLO-CORTEZA kampeon sa World Cup of Pool

Muling pinatunayan ng Pinoy na sa larangan ng bilyar, Pilipinas pa rin ang nangungunang bansa. Linggo ng gabi, binigo ng tambalang Dennis Orcullo at Lee Vann Corteza sina Van den Berg at Neils Feijen ng Holland, 10-8, sa finals para makopo ang kampeonato ng 2013 World Cup of Pool at maibulsa ang $60,000 premyo.

Sa walong taon ng torneyo, ito ang ikatlong pagkakataon na Pilipino ang nakaangkin ng korona. Nanalo rin dito ang matinding pares nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante noong 2006 at 2009.

Bago makarating sa finals ay tinisod rin nina Orcullo at Corteza ang mga manlalaro ng Croatia, Singapore, Hungary at Chinese Taipei.

“The fans here were (the reason) why we won,” sabi ni Orcullo sa interview ng Matchroompool.com. “There was a lot of pressure and things became very difficult but the Filipino community in London who supported us throughout really helped us through.”

Naging dikitan ang laban sa finals. Matapos makatabla ang mga Pinoy sa 7-all ay sumablay sila sa sumunod na rack na nagbigay sa Holland ng 8-7 kalamangan.

Bumawi naman sina Orcullo at Corteza nang matumbok nila ang sumunod na tatlong racks para makopo ang kampeonato.“I reached the final of the World Cup in Manila in 2010 but we came up short so it is fantastic to win here in London.

I would love it for me and Lee Vann to defend the World Cup in the Philippines next year as it would be a dream come true to win it again in our home country,” dagdag ni Orcullo na pinadala rito ng Bugsy International Promotions.

( Photo credit to matchroompool.com )

 

 

Read more...