SUNUD-SUNOD na nga ang tagumpay na tinatamasa ng sikat na sikat na ngayong Pinoy pop girl group na BINI.
Muli na naman kasi silang nakatanggap ng parangal kamakailan matapos kilalanin ng music at pop culture magazine na Rolling Stone bilang isa sa rising global artists na napabilang sa Spotify RADAR 2022 program.
Kabilang ang itinuturing na nation’s girl group sa unti-unting sumisikat na artists na may taglay na “a little something for everyone, whether you need hope or healing” sa pamamagitan ng bago nitong kanta na “Pit A Pat.”
Ayon sa Rolling Stone, ang grupo na kinabibilangan nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena ay nagtataglay ng “loud, vibrant, sugar-coated vibe that is only second to their commanding, ear-grabbing style.”
Pinuri nito ang “Pit A Pat” bilang summer anthem na nagbibida sa grupong may hatid na empowerment, respeto, at ambisyon.”
Sabi pa ng manunulat ng Rolling Stone na si Tara Aquino, “They’re here, and they won’t let you forget it.”
Ang Korean singer-songwriter na si Sophia Pae ang sumulat ng awitin na binuo at inareglo naman nina Rohan at Ddank. Tumulong naman ang BINI girls sa pagsusulat ng Tagalog parts nito.
Samantala, ipagdiriwang naman ng grupo ang unang taon nila sa industriya. Nakasama nga nila ang kanilang fans sa “Bloom1ng: The 1st BINIversary” event na ginanap sa SM Megamall Ice Skating Rink noong Sabado (June 11).
Tuloy-tuloy nga ang BINI sa paghahatid ng buhay sa music scene dahil nitong Miyerkules (June 8) lamang ay inilabas na rin nito ang official music video para sa kantang “Na Na Na.”
Kumpirmado rin na ang kanilang mga awiting “Golden Arrow” at “Kapit Lang” ay makakasama sa Lunar Codex time capsules na ipadadala sa buwan sa taong 2023 para sa pagkakataong madiskubre ng bagong henerasyon.
Isa ang BINI sa Kapamilya artists na gumagawa ng pangalan hindi lamang dito sa Pilipinas kungdi pati na rin sa iba’t ibang bansa sa pagpapatuloy ng ABS-CBN sa pagbibida ng talentong Pinoy sa buong mundo.
Abangan din ang BINI sa kanilang latest adventure sa “BINI Roadtrip Adventures” na napapanood sa BINI Official YouTube channel.
https://bandera.inquirer.net/292020/bgyo-bini-matinding-hamon-ang-haharapin-sa-one-dream-concert-tingnan-natin-kung-kakayanin-nila
https://bandera.inquirer.net/297216/one-dream-concert-ng-bini-at-bgyo-trending-worldwide-ang-titindi-ng-prod-numbers
https://bandera.inquirer.net/314307/yassi-may-bagong-mystery-guy-nadine-pumayag-maglaro-sa-rolling-in-it-ph-season-2