Kris bilyones ang kailangan sa pagpapagamot; sa pagrenta pa lang ng private plane milyones na ang nagastos

Kris Aquino

“SA Houston, Texas available ang lahat ng magpapagaling na proseso sa kanyang gamot at ‘yung gamot na ‘yun malalaman pa lang ang effect sa kanya kung okay o hindi mula eight to 12 months.”

Ito ang bungad na kuwento ni Nanay Cristy Fermin tungkol kay Kris Aquino sa bagong episode ng “Showbiz Now Na” sa YouTube na in-upload ngayong hapon, 4 p.m..

May source si Nanay Cristy na bukod tanging si Kris ang magbibigay ng kumpletong detalye kung anong update sa kanyang kundisyon kaya hanggang sa kasalukuyan ay walang nangangahas magsulat o mag-post kung ano ang nangyayari ngayon sa tinaguriang Queen of Social Media.

Napag-usapan nina ‘Nay Cristy, Romel Chika at Morly Alinio ang malaking gastos na aabutin sa pagpapagamot ng mama nina Joshua at Bimby.

“Alam n’yo pag nag-aadi-addition, naku lahat ng pagdadagdag ng mga numero, grabe pala bilyon pala ang aabutin ng dalawang taon niya,” saad ng beteranang manunulat at vlogger na ngayon.

Sabi naman ni Romel na papunta pa nga lang sa Houston, Texas ay milyones na ang inabot ng gastos ni Kris dahil umupa pa ito ng private plane.

“Oo, isipin mo nandoon ‘yung gamot, iko-contain siya na nasa isang hospital lang siya na nandoon na ang mga doktor na kailangan niya kung ilang doktor ‘yun, lahat ng gamot doon na rin sa hospital na ‘yun magmumula hindi na siya ililipat pa.


“Ang hirap ng ganu’n araw-araw na paggising mo hindi mo alam kung anong nakatakdang kapalaran mo,” pahayag pa ni ‘Nay Cristy.

Ang worry naman ni Romel, “Ang nakakatakot lang nawawalan tayo ng komunikasyon sa kanya, di ba?  Nakakakaba!”

Dagdag ni Nanay, “(Oo) kaya lumalalim ang pag-aalala kaya wala tayong magagawa habang malayo si Kris Aquino, patuloy na panalangin.”

Say naman ni Morly, “Kaya Ate Cristy maging matatag siya kasi nasa kanya ‘yan, eh kapag humina siya, nanghina siya, nagpatalo siya walang mangyayari.”

Nagbalik-tanaw ang nanay-nanayan din ni Kris sa showbiz na noong nagpagamot siya sa Singapore ay umupa siya ng bahay para sa dalawang anak na sina Josh at Bimby at ilang staff para maging tirahan nila dahil hindi naman puwedeng sa hospital din manatili ang mga ito.

“So, ang laki na ng gastos no’n!  Ilang milyon na ‘yun. Sa Houston, Texas malalaman ang reaction niya sa gamot. Ang nipis-nipis na ng balat ni Kris pumayat siya nang husto,” sambit ni Nanay.

Komento naman ni Morly, “At uubusin ang mga naihanda niyang pera, mga savings niya. Mauubos ang ari-arian ate Cristy as in.”

“Alam mo, totoo ‘yung kasabihan na lahat ng mayroon ka, lahat ng naipon mo, lahat ng puwede mong panghugutan, isang sakit lang ang katapat mo. Totoo ‘yun!

“Si Kris naman hindi kakapusin, unang-una bilyones ang meron sila ng mga kapatid niya, pero iba pag ‘yung sarili niya. Pero sa tagal ng gamutan na pinagdaraanan niya nabawasan na ng malaki, di ba?” sabi ni Nanay Cristy.

Dagdag pa, “Kapag may sakit tayo bale wala ang pera. Balewala ang kayamanan, iba pa rin ‘yung ating sarili ay safe. Sana naman ngayong nasa Houston na siya, ‘yung ipinangako ng mga doktor na doon magaganap ‘yung pagti-trace, ‘yung ugat po talaga ng kanyang sakit ‘yung makakapagpagaling sa kanya, sana harinawa umepekto. Yan ang panalangin natin at sana matagal pa nating makasama si Kris Aquino.”

Taimtim na panalangin din mula sa amin para sa paggaling ni Kris Aquino.

https://bandera.inquirer.net/315011/kris-aquino-lilipad-na-pa-amerika-para-magpagamot-time-is-now-my-enemy

https://bandera.inquirer.net/280943/kris-pahinga-sa-socmed-ngayong-holy-week-magpo-focus-muna-kay-lord
https://bandera.inquirer.net/302010/kilalang-aktor-pasikretong-gumagamit-ng-gamot-para-kumalma-sa-shooting

Read more...