Maraming produktong Pilipino ang maaari nating ipagmalaki sa mundo. Isa na rito ang lambanog. Subalit hanggang ngayon ay hindi ito kilala sa ibang bansa, di gaya ng tequila ng mga Mehikano o Whiskey ng mga Scottish.
Ang lambanog ay isang produkto na kung bibigyan natin ng pansin at pagkakataon ay maaaring maging isang malaking industriya na makakapagbigay ng hanapbuhay sa ating mga kababayan sa kanayunan.
Noong Agosto 26, isinagawa ng mga mag-aaral ni Dr. Fernando Zialcita, direktor ng Cultural Heritage Studies Program, Department of Sociology and Anthropology ng Ateneo de Manila University, sa tulong ng Mama Sita Foundation, ang isang “Lambanog Degustation Night” sa Cafe Ysabel, San Juan.
Ang layunin ng programang ito ay paunlarin at palaganapin ang mataas na uri ng lambanog bilang pamanang inumin mula sa bayan ng Tayabas at itatag ang Tayabas bilang destinasyon na pang-turismo.
Bago magsimula ang salu-salo ay nagtanghal ang tatlong mag-aaral ng Ateneo tungkol sa kasaysayan ng lambanog at ang proseso ng paggawa nito.
Giniit din ng mga mag-aaral ang potensyal nito bilang isang makabuluhang industriya sa Tayabas matapos ang kanilang exposure trip sa nasabing bayan.
May mga panukala rin silang inihain kung paano gagawing mahusay ang pagre-package nito upang maging “commercially viable” ang nasabing produkto.
Ayon kay Zialcita, may mga maling kuru-kuro tungkol sa lambanog. Isa na rito ang pagbebenta rito bilang “coconut vodka.”
“Tulad ng brandy, gin, tequila at vodka, ang lambanog ay isang ‘liquor,’ at hindi isang vodka.
Galing sa niyog ang lambanog at ang vodka ay nagmula sa patatas. Sadyang makulay ang kasaysayan ng lambanog,” ani Zialcita.
Mula sa pananaliksik ni Dr. Paulina Machuca, isang Mehikanang historiyador at mananalaysay, ang mga Pilipinong migrante sa Mexico noong ika-17 siglo ang nagdala ng dalawang teknolohiya o paraan sa paggamit ng katas ng niyog.
Ang una ay ang paggawa ng tuba at ang pangalawa naman ay kung paano ito distilahin at dalisayin upang gawing isang mabisa at makapangyarihang alak.
Nailista ito sa makasaysayang tala ng mga Español bilang “aguardiente” na sa Ingles ay “fire-water.” Sa kasalukuyan, ang tuba ay patuloy pa ring ginagawa sa baybaying Pasipiko ng Mexico at ito ay tinataguyod ng lahat ng antas ng lipunan.
Ang paggawa ng lambanog sa Mexico ay nahinto at ipinagbawal sa pamamagitan ng isang Royal Decree noong 1730. Gayunpaman, ang mga patakaran ng pamahalaan para sa paggawa ng aguardiente, na sinisilid sa kahoy na bariles na may bakal na tapon, ay ginagamit upang distilahin ng bagong alak–ang tequila!
Kaya, maaari nating sabihin na ang lambanog ay ang ninuno ng tequila, ang pambansang inumin ng bansang Mexico.
Sa panimula ng kainan, nagpayahag ng isang malugod na pagbati si Gene Gonzalez, ang chef-patron at may-ari ng Cafe Ysabel.
Kanyang sinambit ang kanyang karanasan sa mapang-akit na lambanog. Noong kanyang kabataan, lumuluwas siya sa Quezon upang mag-ensayo ng karate at tikman ang mga lokal na pagkain.
Pagsapit ng gabi, may tagayan na naganap at doon ay may malaking dama juana na puno ng lambanog na kanilang tinitikman. Dahil ito ay puro, kinaumagahan ay sariwa ang kanilang pakiramdam dahil wala itong hangover.
“Kung makakagawa tayo ng mataas na uri ng lambanog, maaari natin itong ilako sa buong mundo,” ani Chef Gene. “Ang lambanog ay hindi dapat lamang ibenta sa pamamagitan ng isang simpleng marketing plan, ngunit dapat isalaysay din ito sa duyan ng alamat at tradisyonal na kaalaman.”
Isang appetizer at four-course degustation menu na may kapares na lambanog cocktails ang inalay ni Chef Gene sa mga bisita. Ang lambanog ay nagmula sa Mallari’s Distillery.
Ang mga tampok na pagkain at kapares na cocktails ay ang mga sumusunod: appetizer o pampagana na Smoked Fish Wantons at Magdalena, ang bersyon ng Margarita ng Café Ysabel na imbes na tequila ay lambanog ang gamit na hinaluan ng lime juice.
Para sa apat na courses ang unang una ay ang Bulcachong na may Sotanghon, isang mayamang sopas na may pira-pirasong karne at sotanghon, na pinarisan ng Lambanog Sorbet, isang lambanog na hinaluan ng heladong pakwan.
Kasunod nito ay ang Bicol Express Pasta, spaghetti na sinahugan ng Bikol Express, at Lambatonic, lambanog na may buko at sariwang sabaw ng niyog, na naging pangontra sa anghang ng Bicol Express.
Pangatlo ay ang Pastel na Kalderetang Kambing, ang popular na kaldereta na hinurno sa pastel, at Lambanog Daiquiri na may calamansi.
At ang panghuli ay ang Hamonadong Lechon, na may malutong na balat, at Manila Sunrise, katas ng hinog na manga, lambanog at calamansi bilang panghuling inumin.
Sa pagtatapos ng kainan, nag-iwan ng mahalagang alituntunin ang kasalukuyang alkalde ng Tayabas na si Mayor Faustino “Dondi” Alandy-Silang tungkol sa kultura at wastong pag-inom ng lambanog.
Nag-alay din siya ng isang tradisyonal na tagay sa mga bisitang nakiisa sa piging. Kitang-kita mula sa punto ni Mayor Dondi ang kanyang pagsuporta sa industrya ng lambanog.
Inaamin niya na ang tradisyonal na paggawa ng mataas na uri ng lambanog ay malapit nang maglaho dahil sa lokal na kompetisyon na gumagawa ng mababang uri ng lambanog na gumagamit ng labis na kemikal at gayun din sa pandaigdigang merkado dahil sadyang mahirap matugunan ang volume na kinakailangan bilang pang-export.
Noon ay halos may labing-apat na disteleriya ng lambanog sa Tayabas ngunit ngayon ay mayroon nang dalawang aktibong disteleriya na nakipagsosyo sa lokal na pamahalaan noong 2002 upang higit na palaguin ang industriya ito ang mga disteleriya ng Capistrano at Mallari.
Pero buo pa rin ang loob ni Mayor Dondi dahil naniniwala siya na ang industriya ng paggawa ng lambanog ay malaki ang potensyal na makakapagbigay trabaho dahil nakalatag na ang mga pangunahing imprastruktura at kaalaman sa paggawa nito.
At higit sa lahat, ang lambanog, kapag ito ay puro at dalisay, ay pampahaba ng buhay. “Ang kultura ng lambanog ay talagang napakapositibo.
Ang layunin ng pag-inom ng lambanog ay hindi ang magpakalasing, ngunit pagyamanin ang pagsama-sama at kapatiran ng isa’t isa.
May mga alituntunin sa tamang pag-inom ng lambanog. Bukod sa pagiging mahinahon, isang maayos na pagkilos at kabutihang asal ang tanging paraan ng pakikibahagi nito.
Kapag ito ay iyong sinunod. Mapapa-lambada ka sa saya at tuwa. Tagay na!”
(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)
Mga alituntunin at sining ng tagayan ng Tayabas ayon kay Mayor Dondi
• Ang botelyero o tanggero ay may mahalagang resposibilidad at katungkulan sa isang tagayan. Dapat niyang tiyakin na ang mga bisita ay bahagi pa rin ng pangkat kahit hindi siya uminom.
• Bawal na bawal ang uminom nang mag-isa. Ito ay ang palagiang kasunduan sa pagitan ng mga manggagawa, gaya halimbawa kung mayroon silang trabaho kinabukasan. Iinom sila ng isang tagay lamang upang mapawi ang pagod at makatulong sa mahimbing na pagtulog.
• Ang unang shot o lagok mula sa tanggero. Sa panimula ng tagay, itinatag ng tanggero ang pagtaguyod ng tiwala sa kanyang pangkat at pinapatupad na walang sakuna o masamang mangyayari sa bawat mananagay.
• Ang Timtim o “titimtiman ko na lang.” Bahagyang ipipihit ang inumin at idadampi ito sa labi, upang maitaguyod ang tiwala sa isa’t isa. Dahil sa ganang ito, “ikaw ay isa sa amin, na kung ito lason, ay malalason ka rin.”
• “Kung maaaring magtitimtim,” may isang taong sasagot at bago uminom kanyang sasabihin ay “sasakupin ko na po.”
• Mayroon ding isang kakaibang kaugalian na kapag ang isang tao ay sinalo ang tagay para sa isang di manginginom, titingin siya sa markang dinampian ng labi ng huling uminom at iinom siya sa eksaktong lugar.
• Maaari rin ang uminom lamang ng kalahating tagay at sabihing “kalahati na lang ko ang iinumin ko.” Kung may sasalo ng kalahati, dapat itanong ng magpapasa ng inumin ay “alin ang iyo, ang ibabaw o ilalim?”
• Isasambit ang katagang “Na’ay” bago inumin ang kanyang tagay na nangangahulugang, “dito, ang aking inumin.” Pagkatapos nang pagsabi ng “Na’ay,” ang isasagot naman ng kapwa mananagay ay “papakinabangan po.”
• Laging tandaan, ang pag-inom ng lambanog ay hindi upang magpakalango; ito ay isang paraan upang pagtibayin ang pagkakaibigan, pagkikibahagi ng mga nakakalugod na kwentuhan at pakikisama.