Bandera Editorial
NAGBAGO ang ihip ng hangin sa Libingan ng mga Bayani nang mamatay sa Honolulu, Hawaii si Ferdinand Marcos noong Set. 28, 1989. Lumuha ang Ilocos noon, at sa Metro Manila, saglit na nagdilim ang langit nang makarating ang balita na namatay ang pinatalsik na pangulo (bagaman inaabangan na ito).
Sariwa at di pa naghihilom ang sugat ng diktadurya’t martial law noon kaya ang poot na ito kay Marcos ang madaling basehan para huwag itong ihimlay sa Libingan ng mga Bayani. Hindi kumontra ang pamilya Marcos, na noon ay wala namang magagawa.
Sa panunungkulan ni Fidel Ramos, hindi rin puwedeng pag-usapan ang puntod ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sa panunungkulan ni Joseph Estrada, binuksan ang usapan, pero kinuyog agad ito hanggang sa mamatay ng Dilaw na Hukbo.
Nang iluklok ng kampo Aguinaldo’t Crame si Gloria Arroyo noong Enero 2001, nabuhayan ng loob ang pamilya Marcos nang di tuluyang isinara ang pinto hinggil sa posibilidad na maaari nang dalhin ang labi, mula sa Batac, Ilocos Norte, sa Fort Bonifacio, Metro Manila, kahit walang seremonyang ilalatag. Panahon na lamang ang hinihintay.
Ang halalan noong Mayo 14 ay nagbigay sigla kay Imelda Marcos dahil nanalo siya at mga anak na sina Bongbong at Imee. Pero, ang paglilingkod sa termino ni Benigno Aquino III ay mas malaking banta na muling hahabulin ang mga Marcos sa mga kung anu-anong atraso, higit sa lahat ang pagkilala sa utak sa pagpatay kay Benigno Aquino.
Kamakalawa ay inalis na ni Imelda ang minimithi.
Sino nga ba ang puwedeng ihimlay sa Libingan ng mga Bayani? Walang nakalatag na regulasyon. Kung walang nakalatad na regulasyon, hindi rin maaaaring ilibing dito si Estrada, na ex-convict sa kasong pandarambong. Hindi rin maililibing dito si Arroyo, bagaman ang kanyang ama’t ina ay tahimik na sa kandungan ng sementeryong dangal.
Balak pa lang ay tiyak na kukuyugin na ito at mahigpit na kokontrahin, kalakip ang banta ng malalaking demonstrasyon at gulo.
Sa padaskul at barumbadong sagot ng mga loyalista, “sa kanila na lang ang Libingan ng mga Bayani at diyan na rin ilibing ang mga kuyog.”
Hindi magandang pakinggan.
Nawala na ang paggalang at pagpugay sa yumao, kahit di na ang pagdakila.
Bandera, Philippine News, 051710