INATAKE ng anxiety at matinding nerbiyos ang Kapuso young actor na si Kelvin Miranda nang sumabak na sa taping ng bago niyang project sa GTV, ang comedy show na “TOLS.”
Matinding pressure ang nararamdaman ngayon ng binata dahil siya nga ang itinuturing na “bandera” ng nasabing programa na inspired sa 1990s sitcom ng ABS-CBN na “Palibhasa Lalake”.
Sa lahat kasi ng young cast members ng “TOLS” siya na ang maituturing na pinakasikat dahil ilang beses na rin siyang bumida sa mga teleserye ng GMA 7, kabilang na riyan ang “The Lost Recipe” with Mikee Quintos, “Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette” kasama si Beauty Gonzalez at ang katatapos lang na “Mano Po Legacy: Her Big Boss” with Bianca Umali and Ken Chan.
Makakasama ni Kelvin sa “TOLS” sina Shaun Salvador at Abdul Rahman with Rufa Mae Quinto, Betong Sumaya at marami pang iba, sa direksyon ni Monti Parungao.
“Ang masasabi ko lang po, siyempre, malaking karangalan po sa akin iyon na binibigyan ako ng label na ako ang bandera,” sabi ni Kelvin sa presscon ng “TOLS.”
“Pero, inaalay ko rin naman po yun para sa mga kasama ko. Hindi ko rin naman po yun magagawa o mapupunta sa katayuan ngayon kung hindi rin dahil sa suporta nila, tiwala namin sa isa’t isa.
“Sa totoo lang po, kabado po ako noong simula. Na-a-anxiety ako dahil hindi talaga ako komedyante.
“Pero kailangan kong magtiwala, kailangan kong mag-explore dahil ibinigay ang blessing na ito sa akin. Kailangan kong mag-push through, wala nang balikan,” pahayag pa ng binata.
Ang karakter ni Richard Gomez sa “Palibhasa Lalake” ang inspirasyon sa role ni Kelvin sa “TOLS” na hindi rin naman nalinya sa larangan ng comedy pero naging bentang-benta sa manonoood.
Reaksyon ni Kelvin, “Pero, yung chemistry po kasi nila nandoon. Napapanood ko kasi siya. Actually, bago ako makatulog, habang nagdi-dinner kami. Kapag wala kaming ginagawa, pinapanood ko po siya.”
Sey pa ng aktor, hindi pa siya ipinapanganak noong umeere ang “Palibasa Lalake” sa ABS-CBN (1987 to 1998). Ipinanganak si Kelvin noong Jan. 8, 1999.
“Hindi pa po ako buhay, pero binabalikan ko po siya sa YouTube or kunsaan man na puwede ko siyang mapanood. Wala po akong idea sa sitcom, wala po,” aniya.
At dahil mga baguhan nga sa larangan ng komedya, natanong si Kelvin kung paano sila inalalayan ni Rufa Mae sa taping. Ang nagbabalik na komedyana ang gaganap na nanay ng triplets na sina Kelvin, Abdul at Shaun sa “TOLS”.
May mga eksena ba silang ginawa sa show na napagalitan o nasita sila ni Rufa Mae? “Wala naman po. Sa katunayan, e, kapag may hindi kami kumportableng nararamdaman kapag nagti-take kami, like ako, personally, inaamin ko kay Direk at sa mga co-actors ko.
“Lalo na kay Direk, sinasabi ko na parang hindi nagwo-work for me. Baka naman puwede nating baguhin nang konti kung paano ko siya made-deliver nang tama, mas confident, mas fluent, mas madulas para maintindihan ng mga tao.
“Collaboration naman po talaga ang lahat, sitcom, drama, comedy para mag-work sa lahat ng aspeto. Yun lang po, nagiging transparent naman po ako everytime na may ganoong pangyayari.
“Wala pa naman pong nangyari kay Ms. Rufa na sinabihan niya po kami,” diin pa ni Kelvin.
Magsisimula na ang “TOLS” sa June 25, sa GTV mula sa produksyon ng GMA Network at Merlion.
https://bandera.inquirer.net/292897/kelvin-miranda-2-beses-nagkadyowa-ng-matanda-mahirap-kaya-hindi-nag-work
https://bandera.inquirer.net/297444/joshua-charlie-nag-iingat-sa-social-media-takot-nga-bang-magkaroon-ng-viral-scandal
https://bandera.inquirer.net/295619/mikee-quintos-ayaw-pasukin-ang-politika-umaming-na-miss-si-kelvin-miranda