Labanan para sa huling NCAA Final Four slot lalong nag-iinit

 Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. St. Benilde vs San Sebastian
6 p.m. Arellano vs JRU
Team Standings: San Beda (11-2); Perpetual Help (11-3); Letran (10-3); San Sebastian (8-5); EAC (6-7); JRU (5-7); St. Benilde (5-8); Lyceum (4-9); Arellano (4-9); Mapua (1-12)

HIHIGPIT pa ang labanan para sa paghahabol sa ikaapat at huling puwesto para sa sa Final Four sa pagsalang ng apat na palaban pa sa 89th NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Magpapatatag pa sa kapit sa puwestong ito ang San Sebastian College na babangga sa host College of St. Benilde sa unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon.

Susundan ito ng krusyal na tagisan ng Arellano University at Jose Rizal University dakong alas-6 ng gabi. Ang matatalo sa larong ito ay malamang na mapasama sa mga maagang magbabakasyon sa liga.

May 8-5 baraha ang Stags at may bitbit pang apat na sunod na panalo. Ang huling koponan na kanilang pinagbagsak ay ang Lyceum of the Philippines University, 58-53, kahit wala ang tatlong mahuhusay na rookies sa koponan.

Aasa uli si SSC coach Topex Robinson na patuloy na kikinang ang mga bench players para masuportahan ang ibang kamador sa pangunguna nina CJ Perez at Jovit dela Cruz para dumikit sa pahingang Letran na nasa ikatlong puwesto sa 10-3 baraha matapos matalo sa Emilio Aguinaldo College, 64-87, noong Sabado.

May 5-8 baraha naman ang Blazers at mangangailangan sila na manalo para tumatag ang paghahabol sa puwesto sa semifinals.

Read more...