Depensa ni OSANG sa pambabastos kay BONG: JOKE, JOKE, JOKE!


Maraming nagtawagan sa amin nu’ng nakaraang Sabado nang gabi pagkatapos umera ang aming panayam kay Rosanna Roces sa Showbiz Police.

May mga nagkomento pa nga na parang wala raw sa sariling huwisyo si Osang, kung ano-ano ang mga pinagsasasabi, marami ring nayabangan sa mga sagot niya tungkol sa pagkatalo sa kasong breach of contract na ihinain laban sa kanya ng GMA 7.

Isa sa mga tumawag sa amin ay si Manay Lolit Solis, nakaalitang manager ng aktres, galit na galit ito sa mga ipinost ni Osang sa FB patungkol kay Senator Bong Revilla.

Litanya ni Manay Lolit, “Naku, ‘no! Bakit kailangang si Senator Bong ang magbayad sa danyos na hinihingi sa kanya ng GMA 7, bakit, meron bang utang sa kanya si Bong?

“Walang utang na loob ang babaeng ‘yun! Siya ang maraming utang kay Bong, sa totoo lang, pinahiram pa nga sila ng sasakyan nu’n ni Bong para sa apo niyang si Gab, pero siya naman ang gumagamit!

“Alam ba niya na hanggang ngayon, e, tinutulungan pa rin ni Jolo ang anak niyang si Grace? Bakit niya idinadamay sa problema niya si Bong, bakit hindi na lang siya bumalik sa Pegasus?

“Magsayaw uli siya nang magsayaw du’n, baka may ma-attract pa rin sa mala-elepante na niyang katawan! Wala siyang utang na loob, kaya nagkakaganyan-ganyan ang buhay niya!” galit na pahayag ni Manay Lolit.

Ayon kay Osang ay joke lang daw naman ang ipinost niya sa kanyang FB account, tinatrato na lang daw kasi niyang biro ang mga nagaganap sa kanyang buhay ngayon, parang ginagawa na lang niyang biro ang lahat kahit meron pa siyang masaktan?

Ito ang pinakasensitibong punto sa buhay ng aktor-politiko dahil sa mga isyung ibinabato laban sa kanya, sana nga naman ay nagkaroon ng puso si Osang na kundi man siya makatulong ay manahimik na lang siya, huwag nang dumagdag pa sa mga problemang dinadala ni Senador Bong.

May punto si Manay Lolit Solis, isandaang porsiyento naming sinasang-ayunan ang kanyang emosyon laban kay Rosanna Roces.

( Photo credit to Google )

Read more...