ANIM katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan nang barilin ng mga hinihinalang magnanakaw na nanloob ng isang bahay sa San Fernando City, Pampanga, kamakalawa, ayon sa pulisya.
Nasawi ang negosyanteng si Corazon Edejer, 47; anak niyang si Kenneth Nolan, 19; mga “stay-in helper” na sina Nelson Hidalgo, 17; “Kakay,” 27; Teresita Camiling, 40; at isang Benigno Villanueva, 52, ayon kay Supt. Anna Liza Guzman, tagapagsalita ng Pampanga provincial police.
Pawang mga tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ng anim, sabi ni Guzman nang kapanayamin sa telepono. Nagtamo rin ng tama ng bala sa ulo ang mister ni Corazon na si Nicolas Edejer, 42, ngunit naabutang buhay ng mga awtoridad at ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
“Mayroon silang business sa palengke, nagbabagsak ng bangus,” sabi ni Guzman nang tanungin tungkol sa negosyo ng mga Edejer.
Naganap aniya ang insidente sa loob ng bahay ng mga Edejer sa L&S Subdivision, na malapit sa hangganan ng San Fernando City at Angeles City.
Inulat ng isang “concerned citizen” sa pulisya ang insidente alas-6 ng gabi matapos itong madiskubre, ayon kay Guzman.
Nakita aniya ng mga rumespondeng pulis ang mga Edejer sa iba-ibang silid habang ang kanilang mga kasambahay at si Villanueva ay natagpuan sa iba-ibang bahagi ng bahay.
Natagpuan naman sa ground floor ng bahay ang isang vault na dati ay nakalagay sa ikalawang palapag, kaya naniniwala ang mga imbestigador na balak magnakaw ng mga salarin.
“Yung vault hindi nabuksan, intact. ‘Yun siguro ang kinukuha ng mga suspect. Nasa second floor siya pero naibaba na, hindi nabuksan, iniwan na lang siguro nila kasi matagal na sila,” ani Guzman.
Gayunpaman, tinangay ng mga salarin ang DVD recorder ng closed-circuit television (CCTV) camera ng bahay. Tinangay din nila ang Toyota Hi-Lux ng pamilya at ginamit ito bilang “getaway vehicle,” ayon kay Guzman.
Natagpuan na lang ang abandonadong pick-up sa Concepcion, Tarlac, aniya. Inimbitahan na ng San Fernando City Police ang dalawang tao para sa “pagtatanong,” ani Guzman. “Mga dati silang nakasama ng mga biktima,” anang police official.