James Cooper pumanaw na sa edad 73; bigla na lang daw tumumba habang naghahanda sa Santacruzan

James Cooper, Maricel Soriano at Dawn Zulueta

PUMANAW na ang veteran hairstylist at celebrity make-up artist na si James Cooper kagabi, May 29. Siya ay 73 taong gulang.

Sa unang ulat, bigla na lamang daw nawalan ng malay si James habang nasa San Pablo Cathedral sa San Pablo, Laguna para sa isang Santacruzan.

Mabilis daw isinugod sa Community General Hospital ang international hairstylist bandang 6:20 p.m. ngunit hindi na ito na-revive ng mga doktor.

Sabi ng kapatid ni James na si Grace San Miguel Agsalud sa panayam ng ABS-CBN, “Naghahanda sila sa prusisyon ng Santacruzan sa San Pablo Cathedral nang bigla siyang tumumba.

“Nag-attempt sila several times to revive him sa community hospital ng San Pablo,” aniya pa.
Nito lamang nagdaang May 18 ipinagdiwang ni James Cooper ang kanyang 73rd birthday.

“We thank those who expressed their sympathies and love for James. Ang dami sa social media,” pahayag pa ng sister ng yumaong make-up artist na nakilala at sumikat din sa Hollywood noong dekada 70 dahil sa galing niya sa pagme-make-up.

Wala pang announcement ang pamilya ni James Cooper tungkol sa kanyang burol.


Ilan sa mga international stars na inayusan niya noon ay sina Farrah Fawcett, Victoria Principal, Barbara Carrera at Jamie Lee Curtis. Siya rin ang unang Filipino ba itinampok sa French Vouge at itinuturing ding first Filipino to introduce his own make-up line.

“It was James who brought the airbrush make-up technology from the US,” sabi ni Evelyn Alvaran ng Hair Asia Association of Hairstylists and Make-up Artists.

Nakilala rin siya bilang official make-up artist at hairstylist ng Diamond Star na si Maricel Soriano. Naging makeup artist din siya sa mga pelikula nina Megastar Sharon Cuneta, Lorna Tolentino, Dawn Zulueta at Alice Dixson.

Sa kanyang Instagram account ngayong umaga, nag-post si Maricel ng ilang litrato nila ng yumaong makeup artist na may caption na, “Thank you for the many years of love and friendship, and treating me like your own daughter. You have been a big part of who I am today and I am forever grateful .

“I love you my Mother Goose … Till we meet again,” pamamaalam pa ng movie icon sa kanyang kaibigan.

Nag-post din ang dating news reporter ng ABS-CBN at incumbent Laguna 3rd District Representative na si Sol Aragones ng mensahe tungkol sa pagkamatay ni James.

Aniya, magkasama pa raw sila nito noong Sabado ng gabi, May 28, “Mahirap magpaalam sa isang matalik na kaibigan na naging bahagi ng buhay ko sa loob ng halos dalawang dekada.

“Lagi kang andyan sa hirap at saya ng buhay ko. Mahirap tanggapin na kagabi magkasama pa tayo at nagpaplano para sa ating mga pangarap.

“Mahirap gumising sa bawat umagang wala ka na Tito James Cooper. Pero alam namin na papawiin mo ang lungkot na aming nararamdaman.

“Alam ko na mas nais mo na ipagpatuloy namin ang mayamang ideya mo pagdating sa sining. Paalam na aming kaibigan. Hindi ka namin makakalimutan. Magpakaylanman,” pahayag ng lady politician.

Sumakabilang-buhay si James Cooper ilang linggo lamang ang lumipas matapos yumao ang isa pang kilalang makeup artist sa bansa na si Fanny Serrano. Namaalam si Fanny noong May 10.

https://bandera.inquirer.net/279921/fanny-serrano-muling-na-stroke-sharon-iyak-nang-iyak-habang-humihiling-ng-dasal

https://bandera.inquirer.net/312482/jo-berry-first-time-rumampa-sa-santacruzan-pilot-episode-ng-apoy-sa-langit-ni-mikee-quintos-wagi-agad

https://bandera.inquirer.net/300811/hayden-kho-kinarir-ang-make-up-lessons-para-kay-vicki-belo

Read more...