Susan Roces kay Grace Poe: I’m already 80 years old, I’m ready… this time, I would think of me

Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Grace Poe

ANUMANG sandali mula ngayon ay ihahatid na sa kanyang huling hantungan ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces sa Manila North Cemetery.

Matapos ang ginanap na misa kaninang umaga, sa The Chapels ng Heritage Park sa Taguig City, nagsimula nang maghanda ang pamilya, mga kaanak at malalapit na kaibigan ng namayapang premyadong aktres para sa kanyang libing.

Sa huling gabi ng burol ni Susan Roces, dumating si Pangulong Rodrigo Duterte para makiramay sa pamilya ni Sen. Grace Poe at magbigay ng huling pagrespeto sa veteran actress na pumanaw noong May 20 sa edad na 80.

Kagabi rin nagbigay ng kanyang mensahe si Sen. Grace para sa kanyang ina na iyak din nang iyak habang inaalala ang mga payo at aral sa buhay na ipinamana sa kanya ng aktres.

“Ako lang po ang kinikilala sa papeles na anak ni Susan Roces. Ako rin po ang kilala siguro ng mga tao bilang anak niya.

“Pero hindi po totoo yun. Isa lang po ako sa napakarami niyang anak at masasabi ko yun dahil napakaraming batang pinalaki niya at binigyan ng suporta.

“Pero higit sa lahat, ang talagang mga anak din niya, kasama ko, ay ang mga pinsan ko pero ngayon ay palagi naman itinuturing kong mga kapatid ko,” ang bahagi ng kanyang eulogy para sa yumao niyang nanay.


Sabi pa ng senadora, bukod sa napakabait at maunawaing ina, naging ulirang asawa rin ito kay Da King Fernando Poe, Jr., “Si FPJ is larger than life. Marami ang tumitingala sa kanya. Marami ang tumitingala kay FPJ.

“Pero si FPJ ay FPJ dahil sa likod niya, merong isang matapang at maalagang asawa na mahal siya. They collaborated but she was always in the sidelights and it was FPJ who reaped the recognition and the awards.

“Siyempre, alam natin pumasok yung tatay ko sa pulitika. Ayaw na ayaw ng nanay ko noon. Sabi niya, ‘Bakit pa kailangan gumawa niyan?’ Anyway, sinuportahan siya ng nanay ko.

“Pero nu’ng namayapa siya, nu’ng namatay si FPJ, du’n nag-umpisang umusbong muli ang katauhan ng tunay na Jesusa Poe. Du’n muling lumabas kung sino talaga siya.

“Jesusa Poe blossomed again in her career, in television, and that was another outlet for her to be able to express herself because she was really distraught when my father died.

“Pero at least, dahil sa trabaho, nagkaroon siya muli ng pagkakataon na maibigay o mailabas… she can express herself once more,” aniya pa.

Binalikan din ni Grace Poe ang katapangang ipinamalas ng ina nang magsalita ito noon laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) nang mamatay si FPJ.

Si GMA ang naging matinding kalaban noon ni FPJ sa 2004 presidential elections kung saan idineklarang winner si Arroyo.

“Nakita ng mga tao na si Susan Roces pala, hindi lamang maganda, hindi lamang magaling umarte, ang tapang pala niyan.

“So, du’n lumabas yung mga salita katulad ng ‘Hindi ko tinatanggap ang iyong sorry,’ ‘not once but twice,’ ‘ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw!’

“At nu’ng sinasabi na ‘sa sinasabi mo ba na dapat ay mag-resign, umalis sa puwesto…’ basta they were trying to frame her, and she said, ‘Ikaw ang nagsabi niyan. Hindi ako.’ She was quite feisty, acerbic in her words sometimes,” bahagi pa ng eulogy ng senadora.

Nabanggit din ni Grace Poe na isa ring komedyante ang ina noong nabubuhay pa ito, “She’s really hilarious. She told me once, ‘Lahat tayo may itinatagong kalandian. Huwag lang tayong magpapahalata at lalung-lalo nang huwag tayong magpapahuli.’ She really had a great sense of humor. Very sarcastic but very witty.

“Lumaki siya sa hirap at hindi niya kinalimutan. Sabi niya, ‘Anak, kaya malapit kami sa tao , t lalung-lalo na ang tatay mo, dahil hindi namin kinalimutan kung papaano maging mahirap.’

“’Huwag kang matakot kapag ikaw ay tama at naniniwala ka sa ginagawa mo, mas madali kung kakampi mo ang katotohanan.’

“Pero gayunpaman, sa lahat ng ‘yan, ang sinasabi niya sa akin kapag may mga isyu, ‘Anak, huwag ka nang makialam diyan. Delikado ‘yan.’

“Ang sinasabi niya, ‘Ayokong magkaroon ng anak na bayani. I don’t want my child to be a hero dahil ang mga bayani, bantayog na lang at mga estatwa.

“‘Tingnan mo si Ronnie, gusto niyang makatulong, anong nangyari sa kanya? Kaya ikaw, mas gusto kong buhay ka at nandito,’” pagbabalik-tanaw pa ng senadora.

“Ngayong gabi, Ma, ang masasabi ko lang, ikaw ang bayani namin dahil sa hirap at ginhawa, talagang itinaguyod mo ang aming pamilya. Hindi naging madali,” diin pa niya.

Sa huling bahagi ng kanyang mensahe, naibahagi rin ng senadora ang tungkol sa mga pagpaparamdam ni Susan sa kanyang paglisan.

“Nu’ng kinuha namin yung damit niya para ngayon, nakaligpit na yung mga gamit niya sa kuwarto. Sa tingin ko, nu’ng medyo nakakatayo pa siya, inayos na niya lahat.

“Basta napansin ko, sa tingin ko, handang-handa na po yung nanay ko, pero handa siya sapagkat marami na siyang natulungan. Noong malapit na siyang mamayapa, hindi pa naman namin alam din, pero kinausap ko siya.

“Sabi ko, ‘Mom, can you please see the doctor or go to the hospital and see the doctor? If not for yourself, at least for us, especially Joseph and Jeffrey who’ve been so worried and caring for you.’

“Ang sabi niya, ‘I’ve been putting the feelings of other people before my own ever since. I’m already 80 years old, I’m ready. This time, I would think of me.’

“And I really think she deserves that. So, Mom, for now, I’ll say goodbye. I will just say that, in my heart, you will be the woman that I most admire and you will be the woman that I’m most scared of,” ang bahagi pa ng pamamaalam ni Sen. Grace sa kanyang pinakamamahal na ina.

https://bandera.inquirer.net/313999/cardiopulmonary-arrest-ang-ikinamatay-ni-susan-roces-sey-ni-grace-poe-at-sa-tingin-ko-talagang-nangulila-na-siya-sa-tatay-ko

https://bandera.inquirer.net/314062/payo-ni-susan-kay-coco-hindi-importante-ang-pagingles-ang-mahalaga-ay-marunong-kang-humarap-sa-tao-na-may-dignidad

https://bandera.inquirer.net/314131/susan-roces-may-mga-paramdam-na-bago-pumanaw-grace-poe-may-pagsisisi-sa-pagkawala-ng-ina

Read more...