ITATABI ang labi ng Queen of Philippine Movies na si Susan Roces sa puntod ng kanyang asawang si Da King Fernando Poe, Jr.
Bukas ng umaga, May 26, nakatakda ang paghahatid sa premyadong aktres at movie icon sa kanyang huling hantungan sa Manila North Cemetery sa Maynila.
Pumanaw ang award-winning veteran actress noong Biyernes, May 20 sa edad na 80.
Balitang tatlong araw lamang tinapos ng mga trabahador sa sementeryo ang paggawa sa nitso kung saan ililibing ang labi ni Susan Roces. Ito’y katabi nga ng puntod ni FPJ na pumanaw noong Dec. 14, 2004.
Ayon sa isang ulat, kahit wala roon ang kabaong ni Susan Roces ay marami nang mga tagasuporta ang aktres na nagpupunta roon para silipin ang paglalagakan ng labi ng veteran actress.
Inaasahan na ring mas marami pang mga Pinoy ang magpupunta sa puntod ni Susan kapag naihatid na ito sa kanyang huling hantungan bukas.
Samantala, marami naman ang natuwa nang dumalaw si Presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa lamay ni Susan Roces kagabi sa The Heritage Park sa Taguig.
Nagbigay ng kanyang huling pagrespeto ang uupong bagong presidente ng Pilipinas sa namayapang aktres at nakiramay sa pamilya ng anak nitong si Sen. Grace Poe.
Mismong ang senadora ang personal na sumalubong kay Bongbong at sa asawa nitong si Lisa Araneta Marcos sa pagpasok ng mga ito sa chapel. Balitang 20 minuto ring tumagal si BBM doon kasama ang kanyang team.
Nag-post din si Sen. Grace ng litrato nila ni Bongbong sa Instagram na may caption na, “Pasasalamat sa paglalaan ng inyong mahalagang panahon para magbigay-galang sa alaala ng aking ina at sa inyong pakikidalamhati sa aming pamilya sa panahong ito ng aming pagluluksa.”
Bukod kay Bongbong, ang iba pang personalities na bumisita kagabi sa burol ay sina Ogie Alcasid, Pops Fernandez, Eric Quizon at former congresswoman Gina de Venecia na malapit din sa mg taga-industriya ng showbiz.
Hanggang ngayong araw, May 25, na lamang ang public viewing para sa lamay ni Susan habang ang interment naman ay magaganap sa Huwebes, May 26, sa Manila North Cemetery,
https://bandera.inquirer.net/313858/susan-roces-pumanaw-na-buong-showbiz-industry-nagluluksa
https://bandera.inquirer.net/314062/payo-ni-susan-kay-coco-hindi-importante-ang-pagingles-ang-mahalaga-ay-marunong-kang-humarap-sa-tao-na-may-dignidad
https://bandera.inquirer.net/313872/judy-ann-santos-john-prats-bela-padilla-bong-revilla-nagluluksa-sa-pagkawala-ni-susan-roces